Ortega Deputy Majority Leader Paolo Ortega V

DML Ortega kay VP Duterte: Sagutin isyu ng P612.5M confidential funds

15 Views

HINAMON ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union si Vice President Sara Duterte na sagutin ang isyu kaugnay ng paggastos nito ng P612.5 milyong confidential funds sa halip na magbintang ng walang inilalabas na ebidensya.

Ito ang sinabi ni Ortega bilang tugon sa sinabi ni Duterte na nababahiran ng koraspyon ang pambansang badyet ngayong taon pero walang inilabas na ebidensya upang patunayan ang pahayag na ito.

“Sa halip na magbato ng malalaking paratang, mas makabubuti kung harapin natin ang mga lehitimong tanong tungkol sa paggamit ng confidential and intelligence funds na umabot sa mahigit P600 milyon,” ani Ortega.

Tinutukoy niya ang P500 milyong confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President at ang P112.5 milyon sa ilalim ng Department of Education (DepEd) noong pinamumunuan pa ito ni Duterte.

Binigyang-diin ni Ortega na mismong Commission on Audit (COA) ang nagpahayag ng pangamba sa ginawang paggastos ng P125 milyong confidential fund na naubos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022. Sa halagang ito P73 milyon ang inisyuhan ng disallowance ng COA at iniutos na ibalik ng mga kaukulang opisyal ang pondo.

Sinabi ni Ortega na mayroon ding kuwestyon ang COA kung papaano ginamit ang P375 milyong confidential fund ng OVP noong 2023.

“Ang pananagutan at pagiging bukas sa pagsagot ng mga tanong ay mahalagang bahagi ng tunay na pamumuno. Kung may isyu sa pondo ng bayan, karapatan ng publiko na malaman ang totoo,” ani Ortega.

Isiningit ni Duterte ang komento kaugnay sa korapsyon ng tanungin ito ng media kaugnay ng pekeng dokumento na nagsasabing papalitan si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na sinabing peke ng Office of the Executive Secretary.