Center Photo: Department of Migrant and Workers

DMW ipinasara anguage training center na nagre-recruit ng walang lisensya

Jun I Legaspi Aug 30, 2024
130 Views

ISINARADO ng Department of Migrant Workers (DMW) ang language training center sa Cavite dahil sa pag-recruit ng mga manggagawa papuntang Germany nang walang lisensya.

Pinangunahan ni Assistant Secretary Francis Ron de Guzman ang Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) ng DMW, sa koordinasyon ng Silang at pulisya ang pagsara sa Volant Academy for Language Excellence, Inc. sa Brgy. Lumil, Silang, Cavite.

“The DMW is serious in taking down these learning firms that are illegally recruiting their students for overseas work. This is illegal recruitment because this language training center is neither licensed nor authorized by the DMW,” sabi ni De Guzman.

Una rito, nagsagawa ng surveillance operations ang DMW-MWPB at natuklasan ang illegal recruitment ng mga estudyante bilang mga nurse/caregiver, auto mechanics, panadero, butcher, restaurant specialist at security specialist na P60,000 ang buwanang suweldo.

Ibinunyag ng DMW-MWPB na bahagi ng modus ng kumpanya na isailalim ang mga aplikante sa Dual Training Program na pinagsasama ang vocational education at on-the-job training para sa isang kumpanya.

Kailangan din nilang makapasa sa antas ng wikang Aleman na A1 hanggang B2 na pagsasanay at praktikal na pagsasanay sa trabaho sa loob ng walong buwan.

Ipapangako ng kumpanya sa kanilang mga trainees ang isang full-time na trabaho sa Germany kapalit ng P515,900 na processing fee, language training fee at practical job training fees.

Gamit ang student visa, ipapadala ang mga aplikante sa Germany at magtatrabaho ng part-time para sa kanilang mga employer habang sabay na nag-aaral.

Inamin naman ng Volant na nag-deploy na sila ng halos 200 estudyante sa Germany sa pamamagitan ng kanilang programa.

Kapag nakumpleto na ng mga estudyante ang tatlong taong apprenticeship program, makakatanggap sila ng German diploma at full-time na alok ng trabaho mula sa employer.

Hinihimok ng DMW ang iba pang mga aplikante na nabiktima ng mga ilegal na aktibidad ng Volant na makipag-ugnayan sa MWPB para sa pagsasampa ng mga kaso.

Maaaring makipag-ugnayan ang MWPB sa pamamagitan ng kanilang Facebook page sa https://www.facebook.com/dmwairtip at sa kanilang email sa [email protected].