Cacdac Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac

DMW sinusuri deployment ban ng OFW sa Kuwait

Chona Yu Jan 18, 2025
13 Views

SINUSURI na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagbabawal na magpadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.

Sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ito ay limitado lamang sa unang beses na magtatrabaho na domestic workers sa Kuwait.

Ayon kay Cacdac, ipinaabot na niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naturang panukala.

Ginawa ni Cacdac ang pahayag kasunod ng pagkamatay ng dalawang OFW na sina sina Dafnie Nacalaban at Jenny Alvarado sa nasabing bansa sa Gitnang Silangan.

Si Nacalaban, na iniulat na nawawala ng kanyang ikalawang amo noong Oktubre, ay natagpuang patay sa tahanan ng isang Kuwaiti, habang si Alvarado naman ay iniulat na namatay dahil sa paglanghap ng usok mula sa uling sa kanyang pinagtatrabahuhan kasama ang kanyang mga kasamahan mula sa Nepal at Sri Lanka.

Isinasaalang–alang din anila ang pagpapataw ng mas mahigpit na mga patakaran at requirements sa pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa Arab country.

Sakali naman aniya na sa kanilang pagsusuri ay makakatulong ang deployment ban ay gagawin nila ito, subalit isinasaalang–alang din nila ang mga kababayan na ligtas sa kanilang employment.

Sinabi ni Cacdac na tinatayang nasa 215,000 na OFWs ang nasa Kuwait.