Rob Robert Walcher III

Doc Rob may sarili nang pangalan

Eugene Asis Mar 15, 2024
168 Views
Patricia
Patricia Javier

DATI-RATI, mas kilala siya bilang mister ng actress-singer at eauty queen na si Patricia Javier.

Ngayon, si Robert Walcher III aka ‘Doc Rob’, ay kilala na rin dahilan sa kanyang sariling kakayahan–bilang isang mahusay na chiropractor. Noong una ay personal lamang niyang pinupuntahan ang mga pasyente na ilang kaibigan ni Patricia, hanggang noong 2016, maisipan niyang magtayo ng isang chiropractic clinic. Ang una niyang clinic ay itinayo niya sa Tomas Morato Ave. Corner Sct. Madriñan St., (second floor, POS Bldg), hanggang unti-unti, nagkaroon na siya ng ilang branches tulad sa Makati, Alabang, Bacoor sa Cavite at dalawa pa sa Pampanga. Ngayon, hindi lang mga celebrity friends ni Patricia ang kanyang pasyente kundi mga karaniwang tao na may mga kamalayan na sa kahalagahan ng chiro practice na dati’y sa ibang bansa lamang popular.

Nag-aral ng chiropractic si Doc Rob sa Palmer College of Chiropractic West sa San Jose, California matapos niya itong ma-discover noong 20 years old siya. Athlete si Doc Rob at active sa mga sports katulad ng basketball, football at baseball. Na-injure siya at malala ang naging damage sa likod niya na halos hindi niya magawang yumuko o itali man lang ang kanyang sapatos. Dumaan siya sa iba’t ibang klaseng therapy, physical therapy, ortho and medications at stretching pero hindi siya gumagaling o walang nangyayaring pagbabago. Hanggang sa ni-recommend ng dad niya na pumunta sa chiropractor nito. Wala siyang idea kung ano ang chiro, pero matapos ang limang minutong adjustment sa kanyang mga buto, nakaramdam siya ng ginhawa o pagbabago. Namangha siya at nag-decide na mag-aral ng chiropractic.

Naging successful chiropractor si Doc Rob at nagkaroon ng sariling chiropractic clinic sa San Diego, California kung saan siya nanirahan sa loob ng 14 na taon. Nakilala niya si Patricia sa isang Filipino event doon, na-in love, at kalaunan ay nagpakasal sila. Nang i-suggest ni Patricia na pumunta sila ng Pilipinas at subukan ang buhay dito, ipinagbili niya ang kanyang clinic at lakas-loob na sumama sa asawa, kasama ang dalawang anak na sina Robert IV. at Ryan James.

Ngayon, walang pagsisisi si Doc Rob sa kanyang desisyon na pakinggan ang mahal na asawa. Ang mga sakripisyo noong una, ang paga-adjust sa lahat ng bagay sa Pilipinas ay nagbunga ng maganda, higit sa kanyang inaasahan. Sa ngayon, layunin ni Doc Rob na maiparating sa mga Pilipino kung ano nga ba ang kahalagahan ng chiro at ipaunawa ang mga natural na pamamaraan upang mawala o mabawasan ang sakit ng tao. At ngayon, ang kanyang clinic ay nago-offer hindi lamang ng kagalingan ng chiropractic kundi mga food supplements na makatutulong sa pagkakaroon ng magandang resistensya ang katawan. Likas na matulungin si Doc Rob at ganoon din ang kanyang asawang si Patricia kaya naisipan na rin nilang magtayo ng isang foundation, ang Doc Rob’s Foundation na nagsasagawa hindi lamang ng health programs kundi pati na rin feeding, educational, livelihood at maging housing programs. Layunin nilang ibahagi ang blessings na kanilang natatanggap sa pamamagitan ng pagtulong.

Hindi man Pilipino sa dugo, nasa puso na ni Doc Rob ang pagiging Pilipino sa gawa.