Kamara

Dokumento mula Kamara tinanggap na ng Senado

17 Views

PORMAL nang kinilala ng Senado—na kumikilos bilang Hukuman ng Impeachment—ang pagtanggap ng dalawang mahahalagang dokumento mula sa Mababang Kapulungan kaugnay ng impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Ayon sa tagapagsalita ng Impeachment Court na si Atty. Regie Tongol, natanggap ng Kalihim ng Senado, sa kapasidad nitong Clerk of Court, na si Atty. Renato Bantug, ang “Manifestation with Re-Submission of Entry of Appearance” mula sa mga tagausig ng Kamara dakong 1:05 ng hapon nitong Martes.

Isang minuto lamang ang lumipas, 1:06 p.m., nang matanggap din ang “Submission” na naglalaman ng opisyal na kopya ng House Resolution No. 2346, na tinutukoy rin bilang Resolution No. 328.

Isinaad sa House Resolution No. 2346 na ang reklamong impeachment laban sa Pangalawang Pangulo ay alinsunod sa itinakdang limitasyon ng Konstitusyon—na isang reklamo lamang kada opisyal ang maaaring isampa sa loob ng labindalawang buwan.

Matatandaang ibinalik ng Senado sa Kamara ang mga artikulo ng impeachment noong Hunyo 10 upang humiling ng pormal na paglilinaw ukol sa nasabing probisyon.

Sa pagkakatanggap ng mga dokumento, binigyang-diin ng Senado na natugunan na ang mga paunang kinakailangang pormalidad upang maipagpatuloy ang impeachment proceedings.

Gayunpaman, ang mga susunod na hakbang gaya ng pagtakda ng iskedyul para sa paglilitis o pagdinig ay nakadepende pa rin sa magiging pasya ng mga senador.

Bagama’t wala pang inilalabas na eksaktong petsa para sa pagbubukas muli ng paglilitis, lumulutang ang posibilidad na magsimula ang mga deliberasyon pagsapit ng huling bahagi ng Hulyo.

Inaasahan na maglalabas ng opisyal na abiso ang Hukuman ng Impeachment sa sandaling matapos nitong suriin ang mga bagong dokumentong isinumite.