DOST

DOST Balik Scientist sinusuri ugali ng lamok para sa mas abuting Proteksyon vs dengue

555 Views

SA pamamagitan ng pagsusuri sa ugali ng mga lamok na nagdadala ng dengue, isang Balik Scientist ng Department of Science and Technology (DOST) ang bumubuo ng mga inobasyon upang matukoy at ma-forecast ang mga posibleng pagtaas ng kaso ng dengue. Layunin ng kanyang pananaliksik na bigyan ng kakayahan ang mga komunidad at awtoridad pangkalusugan na kumilos nang mas mabilis, mas matalino, at mas epektibo laban sa isa sa mga pinakamatinding banta sa kalusugan ng publiko sa bansa.

Sa John Gokongwei Innovation Center, De La Salle University (DLSU) – Laguna, ibinahagi ni DOST Balik Scientist at Institute of Biological Control Director Dr. Thaddeus “Tadz” M. Carvajal kung paano ang pag-unawa sa mga nakagawiang kilos ng lamok ay susi sa mas mabilis at mahusay na pagtugon laban sa dengue—at sa pagbuo ng mas matatag na depensa laban sa nakamamatay na sakit na ito.

Tuwing tag-ulan, hindi lamang bagyo at pagbaha ang kinakaharap ng mga Pilipino, kundi pati ang pagtaas ng mga sakit na dala ng lamok tulad ng dengue. Noong 2024, naitala ng Department of Health (DOH) ang mahigit 170,000 kaso ng dengue at mahigit 500 pagkamatay, kung saan pinakamataas ang bilang ng mga kaso sa panahon ng tag-ulan. Ang problemang ito ay paulit-ulit na suliranin sa pampublikong kalusugan na umaapekto sa parehong urban at rural na mga lugar sa buong bansa.

“Fighting dengue is more than a health concern—it is a national priority,” ani DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. “Through R&D projects led by our Balik Scientists, we are developing innovations that stay ahead of dengue—giving Filipinos the chance for a healthier, safer future, and sparing our countrymen from the economic and social burdens this disease brings.”

Sa interes ng pampublikong kalusugan, nagsagawa si Dr. Carvajal ng pananaliksik upang tuklasin ang mga nakatagong pattern sa pagkalat ng mga sakit na dala ng lamok sa Pilipinas. Ang kanyang multi-year study na may pamagat na “Status of Mosquito-borne Diseases in the Philippines: How Much Do We Know?” ay tumutok sa ugali at ekolohiya ng Aedes aegypti—ang pangunahing sanhi ng dengue outbreaks. Isa sa mga natuklasan: ang mga populasyon ng lamok sa mga mataong lugar gaya ng mga pantalan ay may mas mataas na genetic similarity, na nagpapahiwatig na nakikisabay sila sa paglalakbay ng tao mula sa isang rehiyon patungo sa iba pa. Ang kaalamang ito ay maaaring maging susi upang masubaybayan ang pagkalat ng sakit at mapigilan ang outbreak bago pa ito lumala.

Sa paggamit ng machine learning, nakabuo si Dr. Carvajal ng eco-epidemiological models na pinagsama ang datos sa kapaligiran, presensya ng lamok, at kaso ng impeksyon ng tao upang mahulaan ang posibleng pagtaas ng dengue cases. “Ang mga napapanahong impormasyon tulad nito ay makakatulong sa maagang pagtugon at lokal na pagpaplano bago pa lumala ang outbreak,” diin ni Dr. Carvajal.

Kabilang din sa kanyang pananaliksik ang pagsusuri sa microbiome ng lamok, kung saan natukoy ang ilang mikroorganismo na nakaaapekto sa pamumuhay ng lamok at sa kakayahan nitong maglipat ng virus. Natuklasan din ng kanyang grupo ang presensya ng dengue virus sa parehong lamok at pasyente mula sa iisang lugar, na lalo pang nagpapatibay sa ugnayan ng entomological at clinical surveillance.

Matapos ang kanyang presentasyon, nagsagawa ng paglilibot ang mga bisita sa Biological Control Research Unit (BCRU) laboratories ng DLSU Laguna, kung saan nakita nila ang mga pasilidad at eksperimento na ginagamit sa pag-aaral ng mga insekto. “Bukas ang BCRU para sa kolaborasyon kasama ang pamahalaan at mga pribadong institusyon na nais gumamit ng aming pasilidad para sa pananaliksik sa larangan ng biological sciences,” pagbabahagi ni Dr. Carvajal.

Kinomenda ni DOST Undersecretary for Research and Development Dr. Leah J. Buendia ang kontribusyon ni Dr. Carvajal: “Through the Balik Scientist Program (BSP), we continue to welcome scientists trained abroad who choose to return and contribute to national research efforts. We thank Dr. Carvajal for advancing our fight against Dengue through science and innovation.”

Nagsilbi si Dr. Carvajal bilang Balik Scientist ng DOST sa pamamagitan ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) noong 2020 at muling bumalik mula 2022 hanggang 2025. Ang kanyang mga pananaliksik ay nagsisilbing pundasyon para sa pagpapatuloy ng mas pinahusay na pag-aaral at mas epektibong mga estratehiya laban sa dengue.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa BSP, bumisita sa https://bsp.dost.gov.ph/