Valeriano

Duterte umastang parang Diyos at bayani -Valeriano

Mar Rodriguez Oct 29, 2024
39 Views

BINIGYANG DIIN ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano na mistulang kinasangkapan at inabuso ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kaniyang kapangyarihan bilang Presidente ng bansa para umastang parang Diyos at bayani sa pamamagitan ng paglulunsad nito ng walang habas at brutal na kampanya laban sa illegal na droga kabilang na dito ang isinagawang extrajudicial killings (EJK).

Ang ibinigay na pahayag ni Valeriano ay kaugnay sa mga isiniwalat ng dating Pangulo matapos itong humarap sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee.

Inamin ni Duterte sa naturang pagsisiyasat na itinatag nito ang isang “Death Squad” para likidahin ang iba’t-ibang klase ng mga kriminal lalo na ang mga sangkot sa pagbebenta ng illegal na droga.

Gayunman, pagdidiin ng kongresista na hindi isang Diyos at lalong hindi aniya bayani si Duterte upang ilagay nito sa kaniyang kamay ang batas kahit siya pa ang Pangulo ng bansa sa pamamaraan ng pag-uutos sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na pagpa-patayin ang mga hinihinalang sangkot sa pagtutulak ng illegal na droga.

“He is not a hero. He is not a God. He is not above the law. He is a plague,” wika ni Valeriano.

Nilinaw ni Valeriano na umiiral sa “criminal laws” ng Pilipinas na mayroong pananagutan o liable ang sinomang indibiduwal na mapapatunayang utak, nakilahok at nagkilagsabwatan para maisagawa ang isang krimen tulad ng EJK.

Naniniwala ang mambabatas na maaaring panagutan ni Duterte ang mga nangyaring pagpatay sa kaniyang madugo at brutal na war-against-drugs campaign.

“Our criminal laws hold liable the perpetrators who are principals, conspirators, accomplices and accessories. It is not up to former President Rodrigo Roa Duterte to determine who are criminally, civilly and administratively liable for crimes commites during his brutal war on drugs. His acceptance of legal responsibility for the criminal and inhumane war on drugs does not absolve others of liability,” sabi pa ng kongresista.