Dy namahagi ng ayuda sa 4,636 mag-aaral ng Cauayan City, Isabela

Mar Rodriguez Dec 5, 2023
217 Views

Inno DyPINANGUNAHAN NI House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V ang pamamahagi ng educational assistance para sa mga mag-aaral sa Cauayan City ng kanilang lalawigan.

Sinabi ni Dy na isang napakagandang regalo ngayong panahon ng Kapaskuhan ang ipinamahagi nitong educational assistance at tulong pinansiyal para sa 4,636 estudyante ng Cauayan City katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Isabela.

Ayon sa kongresista, hindi aniya magiging posible ang kaniyang education program para sa mga mag-aaral sa Isabela kung hindi narin sa tulong nina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na todo suporta sa kaniyang mga proyekto.

Ipinaliwanag ni Dy na ang kaniyang inisyatibo ay naglalayong alalayan ang lahat ng estudyante sa kaniyang Distrito na makapag-patuloy ng kanilang pag-aaral sa kabila ng nararanasan nilang karukhaan at kahirapan.

“Ang ating inisyatiba ay upang alalayan ang lahat ng mga estudyante ng ating Distrito para sa kanilang pag-aaral. Alam naman natin na sila ay nakakaranas ng kahirapan kaya sila ay ating tinutulungan para makapag-tapos sila ng kanilang pag-aaral. Hindi po ito magiging posible kung hindi dahil sa suporta ng ating Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at Speaker Martin Romualdez,” sabi ni Dy.