ECHO World champion ECHO. Moonton photo

ECHO nag-kampeon sa Mobile Legends

Robert Andaya Jan 18, 2023
38 Views

PINABAGSAK ng ECHO ang mahigpit na karibal na Blacklist upang masungkit ang inaasam na korona sa M4 World Championship sa Tennis Indoor Stadium Senayan sa Jakarta Indonesia nung Jan. 15.

Sa pangunguna ng kanilag mga top stars na sina Benedict “Bennyqt” Gonzales, Alston “Sanji” Pabico at Sanford “Sanford” Vinuya, winalis ng ECHO ang nakatakdang best-of-seven finals sa iskor na 4-0 upang maiuwi ang prestihiyosong Mobile Legends crown at premyong $300,000 (halos P16.5 million).

Dagdag pa dito, nakabawi ang ECHO sa kanilang nakapanglulumong 2-3 kabiguan sa kamay ng Blacklist sa nakalipas na Season 10 ng Mobile Legends Professional League Philippines nung Oct. 22 sa Manila.

Binigo din ng nasabing panalo ng ECHO ang pagtatangka ng Blacklist na maging kauna-unahang team sa Mobile Legends history na manalo ng back-to-back world titles.

Bagamat nabigo, nakapag-uwi pa din ang Blacklist ng runner-up prize na US$120,000 (P6.6 million)

Samantala , si Gonzales, na kilala din bilang si BennyQT, ay nahirang na grand final MVP at nagwagi ng US$5,000 premyo.