Ejercito

Ejercito: Wang wang, blinker users dapat hulihin

285 Views

“TAMA ba yung mag power trip sa pamamagitan ng Wang Wang?”

Ito ang tanong ni Senator JV Ejercito kahapon matapos niyang aminin na sobrang napikon aniya siya sa mga taong walang pakundangan ipakita ang kanilang paghahari-hari sa kalye sa pamamagitan ng paggamit ng Wang-Wang at mga blinker na animo’y mga pulis na on-duty at may hinahabol na emergency.

Ayon kay Ejercito, ang ganitong uri ng pagpapakita ng kayabangan ay nakakadismaya lalo pa aniya at pantay-pantay naman ang lahat anuman estado ng bawat isa sa buhay sa gitna ng paggamit ng kalye.

Abuso aniya ang ilan sa mga politiko, mga negosyante at mga body guard ng mga ito na ayaw maabala at gustong makaisa o mauna sa kalye kung kayat gagamit ng kanilang wang-wang at blinker bilang panduro sa mga katabi nilang iba pang sasakyan.

“Dapat itigil na ito. Sobrang abuso at kayabangan ang ganitong uri ng kilos ng sinuman mamamayan na hindi alam ang salitang respeto sa kapwa at sa batas sa gitna ng kalye.” ani Ejercito na nagpakita ng inis sa mga abusadong road user.

Nauna rito, inamin ni Ejercito sa kayang Twitter account na siya mismo ang nakakita ng mga abusadong road user gaya ng isang BMW GS1250 na may escort na Rolls Royce Culinan, at isang Mercedes G63 na back up.

“Tigilan niyo ang pang-aabuso niyo,” Pagbabanta ni Ejercito.

Idinagdag pa ng Senador mula sa San Juan na ang paggamit ng ganitong bagay sa kalye ay hindi katangap-tangap at pinaalalahanan din niya ang lahat na may batas at kaparusahan sa sinumang lalabag dito.

Sa ilalim ng Presidential Decree No. 96, ang paggamit ng siren o wang wang at mga blinker, bell, malalakas ng busina at iba pang gadget na hindi normal at aprubado ng batas lalo kung naka iistorbo at nakatatawag ng pansin ay illegal at may kaparusahan na kakaharapin.

“Dapat po maintindihan nila na pantay pantay tayong lahat sa pagamit ng kalye. Hindi po natin pwede ipakita na may mga privilege ang iba at special treatment,” giit ng senador.

Nanawagan siya sa mga police, traffic enforcers at Land Transportation Office na agaran aksyunan ang ganitong problema at huwag aniyang matakot na ipatupad ang batas kung saan ay pinaalalahanan din niya ang mga ito na may karapatan silang hulihin ang sinuman abusado sa kalye.