Sara-bbm EL SHADDAI INENDORSO BBM FOR PRESIDENT, SARA FOR VP — Itinataas ni Bro. Mike Velarde ang mga kamay nina ex-senator Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos at Davao City Mayor Inday Sara Duterte bilang official na pagsuporta ng El Shaddai sa BBM- Sara UniTeam at pagtakbo ni Marcos bilang susunod na presidente ng Pilipinas at ni Duterte bilang susunod na bise presidente sa naganap na El Shaddai Fellowship Sabado sa Paranaque City. Kuha ni JON-JON REYES

El Shaddai inendorso BBM-Sara UniTeam

345 Views

INENDORSO ng El Shaddai na pinamumunuan ni Bro. Mike Velarde sina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at running mate nitong si vice presidential aspirant Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa isang programa noong Sabado, itinaas ni Velarde ang kamay nina Marcos at Duterte habang sumisigaw ang mga tao ng ‘Bongbong-Sara’.
Si Marcos ang standard bearer ng Partido Federal ng Pilipinas at si Duterte naman ay kandidato ng Lakas-Christian Muslim Democrats.

Agad namang nagpasalamat si Duterte sa pagsuporta nina Velarde at ng mga miyembro ng El Shaddai.

“Kagalang-galang na Brother Mike Velarde, ang inyo pong dasal at basbas–kasama ng lahat ng kasapi ng El Shaddai–ay karagdagang sandata sa amin ni Apo BBM sa pagharap namin sa hamon na pamunuan ang ating bansa,” sabi ni Duterte.

Sinabi ni Duterte na nais nitong ipagpatuloy ang magagandang programa ng administrasyon ng kanyang ama upang mas maraming Pilipino ang matulungan at maiahon ang bansa mula sa epekto ng pandemya.

“Alam namin na hindi biro ang aming hinaharap. At kung sakaling kami ang pipiliin ng mga Pilipino sa Mayo, kakaharapin namin ang tiyak na mas malalaki pang hamon. Pero naniniwala ako na walang hamon o pagsubok o problema na hindi kayang solusyunan o lampasan sa pamamagitan ng ating pagkakaisa,” dagdag pa ni Duterte.

Sinabi ni Duterte na nananatiling matatag ang El Shaddai dahil sa pananampalataya at pagkakaisa ng mga miyembro nito.

“Hangad po namin ang tagumpay ng mga Pilipino at ng buong bansa. Sa muli, tanggapin po ninyo ang aking taus-pusong pasasalamat sa inyong suporta. Ipagdasal natin ang Pilipinas. Mahalin natin ang Pilipinas. Maraming, maraming salamat,” wika pa ni Duterte.