Chiz

Election season painit ng painit — Chiz

82 Views

PAINIT na ng painit.

Ito ang pahayag ni Senate President Francis Chiz Escudero kaugnay ng paghahanda para sa halalan sa Mayo 2025.

Ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inilarawan ni Escudero bilang partidong dapat abangan. Ang alyansa pinangungunahan ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Lakas-CMD.

Ipinahayag ni Escudero ang kanyang paniniwala na ang coalition party na ito maituturing na isang makabuluhan at malakas na pwersa sa 2025 Senate race.

Inaasahan din ni Escudero na babaha ang paghahain ng kandidatura para sa 2025 Philippine Senate election na magsisimula sa Oktubre 1 at matatapos sa Oktubre 8.

Sa Oktubre 1, 2024, si Sen. Nancy Binay, na matatapos na ang termino sa Senado, opisyal na maghahain ng kanyang kandidatura para sa posisyon ng mayor ng Makati.

Kasunod nito, sa Oktubre 2, 2024, ang kilalang “Macho Bloc”—na binubuo nina dating Senate President Vicente Tito Sotto, Sen. Lito Lapid at Sen. Panfilo Ping Lacson—inaasahang sabay-sabay na maghahain ng kanilang mga kandidatura.

Tatakbo sila sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC) bilang pagpapakita ng pagkakaisa ng mga beteranong mambabatas.

Mahalaga ang panahong ito dahil dito nagsisimulang pagtibayin ng mga pulitikal na personalidad ang kanilang mga posisyon para sa midterm elections na nakatakda sa Mayo 12, 2025, giit pa nito.

Bukod Kay Lapid, kabilang sa mga senador na muling tatakbo sina Sens. Ramon Bong Revilla, Pilar Pia Cayetano, Francis Tolentino, Imee Marcos, Ronald “Bato” Dela Rosa at Christopher Bong Go.

Sinabi naman ng kampo ni Revilla na nakatakda siyang mag file ng certificate of candidacy sa Okt. 7.

Ang halalang ito mahalaga lalo na dahil maraming kasalukuyang senador ang tinatapos na ang kanilang pangalawa termino, paliwanag ng pangulo ng senado.

Bukod kay Binay, ang mga senador na magtatapos na ng kanilang termino sina Sens. Grace Poe, Aquilino Koko Pimentel at Cynthia Villar.

Si Sen. Edgardo Sonny Angara, na magtatapos na rin sa Senado, nagbitiw nang mas maaga nang tanggapin niya ang posisyon bilang kalihim ng Department of Education.