Calendar
Emman Atienza Bill sinuportahan ng Manila City Council
SINUPORTAHAN ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang panukalang “Emman Atienza Bill” na isinusulong ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na layong matigil na ang online harassment.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Konsehal Raymundo “Mon” Yupangco, na siyang umakda ng resolusyon na higit pa sa isang batas ang kanyang inihain dahil para sa kanya, isa rin itong panawagan para ligtas at wastong pakikitungo sa tao.
Ang naturang panukalang batas na inihain sa Senado ay bilang pagbibigay karangalan sa namayamang pamangkin ni Vice Mayor Chi Atienza na si Emman na sa murang gulang ay gumawa ng pangalan bilang content creater at mental health advocate.
Nagpahayag din ng kanyang sariling pananaw, hindi bilang presiding officer ng City Council, si Vice Mayor Atienza kundi bilang miyembro ng pamilya na nagdadalamhati sa pagyao ng pamangkin.
“I want to thank you all for your efforts for my niece. You see, Emman was diagnosed with a mental disorder a long time ago, and she used social media to find her voice,” pahayag ni Atienza sa kanyang pagsasalita.
Sinabi pa ng bise alkalde na nawa’y magsilbing aral ang nangyari sa kanyang pamangkin na isang malakas na panawagan upang ipagtanggol ng bawa’t magulang ang kanilang anak sa panggigipit mula sa mundo ng teknolohiyang digital.
Hinikayat din ni VM Atienza ang publiko na mag-ingat sa mga salitang binibitawan at magpakita ng kabutihan sa kapuwa araw-araw, partikular sa social media.
“Sana’y maisabatas ito upang maproktektahan ang mga kabataan at ang mga may mental health issues,” sabi pa ng bise alkalde.

