Estudyante, 17, dalawa wala huli sa P500K halaga ng shabu

Edd Reyes Oct 12, 2024
52 Views

TATLO, kasama ang 17-anyos na estudyante, ang natimbog ng mga pulis ng Southern Police District (SPD) dahil sa pag-iingat ng iligal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P.5 milyon sa magkahiwalay na lugar noong Huwebes at Biyernes sa Pasay at Las Piñas.

Ayon kay SPD Director P/BGen. Bernard Yang, nasita sa Oplan Galugad ng Las Piñas City police dakong ala-1:00 ng madaling araw ng Huwebes sa Brgy. Manuyo Dos sina alyas Luigi, 18, at alyas Jomar, 41, dahil sa kahina-hinalang kilos.

Dito natuklasan ng pulisya na may bitbit na tinatayang 52.98 gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang halagang P360,264 ang dalawa. Nakumpiska pa ang kalibre .45 na baril na may dalawang bala mula sa dalawa.

Nauna rito, iniulat ni Pasay City Police Chief P/Col. Samuel Pabonita ang pagkakadakip kay alyas Cristal dakong alas-7:15 ng gabi sa Giselle Park, Brgy. 146, Zone 16, nang pagbentahan ng marijuana o “kush” ang pulis na nagpanggap na buyer.

Ayon kay Pabonita, may kabuuang 123.2 gramo ng kush ang nasamsam ng kanyang mga tauhan sa dalagita na nagkakahalaga ng P184,800.

Isinaayos muna ang dokumentasyon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasay police para sa paghahain ng kaso laban sa dalagitang estudyante bago siya dinala sa Bahay-Pag-asa kung saan dinadala ang Children-In Conflict with the Law (CICL).