Ex-DA Secretary maraming dapat ipaliwanag sa ‘kartel ng sibuyas’ — Enverga

126 Views

NANINIWALA ang isang mambabatas na maraming dapat na ipaliwanag ang mga dating opisyal ng Department of Agriculture (DA) kaugnay sa pamamayagpag ng kartel na itinuturong responsable sa pagtaas ng presyo ng sibuyas sa P700 kada kilo noong nakaraang taon.

Ayon kay House Committee on Agriculture and Food chairperson Cong. Mark Enverga, maraming tanong na dapat sagutin ang mga dating opisyal ng DA na dating pinamumunuan ni William Dar.

Anang mambabatas, unti-unting yumabong ang operasyon ng itinuturing na ‘Sibuyas Queen’, kaya nakontrol nito ang bentahan at presyuhan ng sibuyas bago pa man magsimula ang Marcos administration.

“Based on the diagram presented by Cong. Stella Quimbo, former Sec. Dar has a lot of explaining to do,” ani Enverga.

“Katulad ng sinabi rin ni Cong. Stella for a cartel to fly kinakailangan may kasama rin sa gobyerno, hindi mangyayari ang cartel o hindi magiging successful iyung operations kung walang kasabwat,” dagdag pa ni Enverga sa imbestigasyon ng kanyang komite sa pagbuwag sa kartel na nag-ugat sa panawagan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Batay sa mga impormasyon mula sa siyam na pagdinig ng komite, nakagawa si Cong. Quimbo ng matrix kung saan natukoy ang koneksyon ng ‘Sibuyas Queen’ sa bilihan ng lokal at imported na sibuyas, kung papaano ginagamit ang mga storage facility para mabarat ang mga lokal na magsasaka, at kung papaano lilimitahan ang suplay ng sibuyas upang tumaas ang presyo nito.

“I think this time mas malakas po ang ebidensiya na nagli-link na naman sa kanila,” sabi ni Enverga.

“Ang katanungan, paano napayagan ng Bureau of Plants Industry (BPI) na patuloy na makapag-import ang cartel despite being blacklisted,” tanong ni Quimbo.

Ang BPI ay isang attached agency ng DA na nagbibigay ng importation permit upang matiyak na sapat ang suplay ng sibuyas sa bansa at maiwasan ang pagtaas ng presyo nito.

Nabigo ang BPI na magpa-import ng sibuyas para sa huling bahagi ng 2022 kaya nagkaroon ng kakulangan na nagpataas sa presyo nito. (30)