DPWH

Ex-gov’t engineer inakusahan DPWH ng paglipat ng pondo

206 Views

ISANG dating inhinyero ng gobyerno ang nagpahayag ng pagkabahala sa umano’y paglilipat ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa kanilang big-ticket infrastructure projects patungo sa maliliit na infrastructure projects.

Sa complaint letter na naka-address kay Pangulong Bongbong Marcos, sinabi ng dating government engineer na ilang pondo na orihinal na itinalaga para sa multibilyong pisong proyekto na pinondohan sa ilalim ng foreign assisted programs ay hindi inilaan para sa orihinal na layunin nito.

Ginawa ng dating government engineer ang pahayag matapos ilantad ng isang mambabatas noong nakaraang taon ang umano’y fund manipulation.

Sinabi ng dating government engineer na posible umanong may sindikato sa likod ng iligal na pag-realign ng bilyon-bilyong piso sa pondo sa DPWH.

Ikinalungkot niya na karamihan sa mga proyekto ng DPWH ay baon umano sa red tape.

Ang DPWH, na inatasang magkaloob at mangasiwa sa de kalidad na infrastructure facilities at services na responsive sa pangangailangan ng mga Pinoy, ay nahaharap sa matinding kritisismo dahil sa lapses sa pamamahala sa mga naturang proyekto.

Aniya pa, ang kakulangan ng proper monitoring at superbisyon ay hindi lamang naglalagay sa alanganin sa kaligtasan ng publiko, kundi nagiging banta rin na maaksaya ang pondo at resources ng gobyerno.

Matatandaang una nang pinuna ni dating Senator Panfilo Lacson ang DPWH dahil sa pagtapyas sa pondo para sa national projects habang ang mga lokal na proyekto ay pinagkakalooban ng karagdagang pondo, na aniya ay hindi akma o naayon sa budget theme ng gobyerno na ‘Reset, Rebound, and Recover.’

Samantala, dumarami rin ang panawagan para sa lifestyle checks sa lahat ng DPWH officials, gayundin ang panawagan sa imbestigasyon para sa isyu sa pondo ng DPWH.