Calendar
Ex-pulis pinagtibay salaysay ng 2 bilanggo
Tungkol sa pagpatay ng 3 Tsinong ‘drug lords’ sa Davao preso
PINAGTIBAY ng isang dating pulis na nakakulong sa Davao Prison and Penal Farm ang testimonya ng dalawang bilanggo na umamin sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng kulungan noong 2016.
Sa pagharap ng dating pulis na si Jimmy M. Fortaleza sa joint panel ng Kamara nitong Miyerkules, na nag-iimbestiga sa iba’t ibang isyu, kabilang na ang extra judicial killings sa panahon ng dating Pangulong Duterte, pinagtibay nito ang naging testimonya nina Leopoldo Tan Jr. at Fernando Magdadaro kaugnay sa pagpatay sa tatlong Chinese.
Noong nakaraang Huwebes, sinabi nina Tan at Magdadaro na binayaran sila ng tig-P1 milyon para patayin sina Chu Kin Tung, alyas Tony Lim; Li Lan Yan, alyas Jackson Li; at Wong Meng Pin, alyas Wang Ming Ping, sa ilalim umano ng utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagsumite rin si Fortaleza ng kaniyang sinumpaang salaysay sa komite.
Sa kaniyang affidavit, inilarawan ni Fortaleza ang mga pangyayari sa likod ng pagpaslang sa tatlong Chinese drug lords.
“Noong hapon ng Agosto 13, 2016, nabalitaan ko nagkaroon, nagka “searching” sa foreigner’s quarters at matapos ‘nun ay nilipat ang mga Chinese drug lords mula sa Foreigner’s quarters papunta sa bartolina,” ayon kay Fortaleza.
“Noong gabing iyon, nagkaroon ng sigawan sa mga bartolina kung saan nilipat ang mga Chinese drug lords. Sinubukan kong silipin kung ano ang nangyayari subalit may takip na tabing sa bartolina,” saad pa niya.
Sinabi niya na ang unang rumesponde sa kaguluhan ay si Nonie Foro, ang hepe ng mga guwardiya sa kulungan.
“Pagkatapos nito ay may tumawag rin kay Superintendent (Gerado) Padilla na pumunta din sa bartolina kung nasan ang mga Chinese drug lords. Matapos nito ay nilabas ang mga suspek na si Tan at Magdadaro mula sa bartolina kung saan ay nakaposas na sila. Dumating narin ang mga taga SOCO,” kuwento pa niya.
Makaraan aniya ng ilang araw, inilipat sina Tan at Magdadaro sa inmate custodial aid area.
Matatandaan na noong Huwebes, sinabi ni Tan sa Quad Com na noong gabi ng August 13, 2016, pinagsasaksak niya at ni Magdadaro ang tatlong drug lord gamit ang balisong na ibinigay naman ni Leo Pinkihan, ang mayor sa bartolina.
“Noong August 13, 2016 ng gabi, pinag-sasaksak namin ‘yung tatlong Chinese drug lords,” saad nito.
Sa testimonya ni Tan sa komite, sinabi niyang siya ang pumatay kay Wang, habang si Magdadaro naman ang pumaslnag kina Chu at Lee.
Matapos ay inatasan sila ni Supt. Padilla na itapon ang mga patalim na ginamit sa pagpatay.
Binanggit din ni Tan na matapos ang pagpatay, nakatanggap si Supt. Padilla ng isang tawag sa telepono kung saan diumano’y binati siya ng tumawag dahil sa matagumpay na trabaho.
“Alam ko na ang kausap ni Supt. Padilla ay si Presidente Duterte dahil pamilyar ko ang boses niya. Pagkatapos ng tawag, sabi ni Supt. Padilla sa mga kasamahan niya doon, ‘tumawag si Presidente, nag-congrats sa akin,’” ayon pa sa kaniya.
Sinabi rin niya na isang mataas na opisyal ang nakipag-usap sa kaniya na isagawa ang krimen na umano’y utos na nagmula kay Duterte at nangakong magbabayad ng P3 milyon, subalit nakatanggap lamang ng P2 milyon-na ipinabigay naman ni na Tan at Magdadaro sa kanilang maybahay ang kabayaran.
Sa kanilang mga affidavit, isinasangkot nina Fortaleza, Tan at Magdadaro ang parehong mga opisyal ng pulisya na nagsilbing tagapamagitan ng umano’y mga utos ni Duterte o nagpadali sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords.
Sinabi pa ni Fortaleza na noong July 2016, nang maupo si Duterte bilang Pangulo, binisita siya sa Davao Prison nina Col. Royina Garma, Col. Villela, at Col. Grijaldo, na mga kaklase niya sa Class of 1997 ng Philippine National Police Academy.
“Dati pa ay malapit na si Garma kay Duterte dahil mula nang pagka-graduate namin sa PNPA ay sa Davao na sya nakatalaga. Sa pagkakaalam ko ay inatasan din siya ni Duterte bilang Chief ng CIDG Davao,” saad nito.
“Nuong bumisita si Col. Garma, tinanong nya ako kung nasan nakatalaga ang mga Chinese na drug lords at sinabi ko na nasa foreigner’s quarters sila. Nagtaka ako kung bakit nya tinanong at sinabi lamang nya sa akin na ‘may operasyon ako sa mga Chinese na ito.’ Matapos nito ay umalis na si Garma,” ayon pa sa kaniya.
Binanggit pa niya, na noong Agosto 8, 2016, tinawagan siya ni Garma na sinabing nakausap na niya (Garma) si Supt. Padilla at sinabing, “Bok, ako na behalf, may mga tao kami diyan sa loob.”
Ikinuwento ni Fortaleza na tatlong araw pagkatapos nito, muling tumawag si Garma upang itanong kung maaari siyang magdala ng pagkain sa ilang hindi pinangalanang mga bilanggo na nahuli na may dalang iligal na droga sa maximum security compound.
“Dahil dito, nagtanong ako sa mga tao ko kung sino ang mga nahulihan ng droga sa maximum compound at nalaman ko na ito ay sina Tan at Magdadaro na kilala bilang tirador ng Davao at kasama sa Davao Death Squad (DDS). Sinunod ko si Garma at inutos ko na bigyan ng pagkain at sigarilyo itong mga nahulihan ng droga, kasama si Magdadaro,” ayon sa kaniya.
Tatlong araw pagkatapos nito, noong Agosto 13, ang araw na sinabi nina Tan at Magdadaro na pinatay nila ang mga Chinese drug lords, narinig ni Fortaleza ang kaguluhan sa selda kung saan nakakulong ang tatlong suspek.