Calendar
Fighting Maroons, balik sa ensayo
SA pagluluwag ng mga quarantine rules upang maibalik ang face-to-face training, ipinagpatuloy ng rebuilding University of the Philippines men’s basketball team ang kanilang paghahanda para sa UAAP Season 84.
“The young and fierce Fighting Maroons, together with the veterans, are raring to get back on the hardcourt after two years,” sabi ng koponan sa kanilang Facebook account.
Inilagay rin ng UP ang kanilang training bubble video at photos sa Facebook account na siyang kinunan ng team staff.
Kasunod ng mahigpit na rules na inilatag ng Commission of Higher Education sa pagbabalik ng face-to-face training, ang mga ensayo – hindi lang sa UP kundi sa lahat ng UAAP member-schools – ay hindi bukas sa publiko, habang ang mga outsiders at unauthorized personnel ay hindi maaaring pumasok sa training bubble.
Tanging mga fully-vaccinated players at coaches ang maaring sumali sa mga training sessions, ayon sa pinagkasunduang health guidelines.
Ilan sa mga key players ng muling pagragasa ng Maroons tulad nina Kobe Paras at ang magkapatid na Juan at Javi Gomez De Liaño ay naging pro na.
Hinahawakan na ni coach Goldwin Monteverde, may materyales pa rin ang UP pagkat nariyan ang batang center na si Carl Tamayo, at mga transferees na sina Malick Diouf, CJ Cansino at Joel Cagulangan upang masustina ang magkakasunod na podium finishes bago ang pandemic.
Tinatangka ng UAAP na makabalik sa huling linggo ng March 2022 matapos ang dalawang taon na pagkawala.
Bukod sa men’s basketball, lalaruin lamang ng UAAP ang women’s volleyball at cheerdance competition para sa Season 84.