Calendar
Fuel Subsidy Program tuloy
IPAGPAPATULOY ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong taon ang Fuel Subsidy Program na layong magbigay ng tulong sa mga Public Utility Vehicle (PUV) franchise grantees, sa kabila ng pahayag ni Senador Grace Poe na ilabas na ang pondo ng programa sa ilalim ng 2022 National Budget.
Simula noong naipasa ang pondo ng gobyerno sa ilalim ng GAA 2022, agad nagpulong ang mga opisyal ng LTFRB upang maisaayos ang pagpapatupad ng Fuel Subsidy Program ngayong taon.
Kasalukuyang hinihintay ng DOTr at LTFRB ang naturang pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM). Oras na mailabas ito, ibibigay ang nakalaang pera sa programa sa LBP para mapabilis ang pagbibigay ng subsidiya sa mga benepisaryo.
Sa ibinigay na request ng Department of Transportation (DOTr) sa DBM, nasa 377,443 benepisaryo ang inaasahang mabibigyan ng Fuel Subsidy sa halagang PhP6,500. Bukod sa franchise grantees na Traditional at Modern PUV, isasama na rin ang Public Utility Bus (PUB), Minibus, Taxi, UV Express, Transport Network Vehicle Service (TNVS), Tourist Transport Service (TTS), maging ang mga tricycle na pinangangasiwaan ng Department of Interior and Local Government (DILG), Delivery Services sa Department of Trade and industry (DTI) at Department of Communications and Technology (DICT).
Bagamat may pondo para sa pagpapatupad ng Fuel Subsidy Program, may Special Provision ang DOTr kung saan mailalabas lang ang pondo oras na lumagpas ng $80 per barrel ang average ng Dubai crude oil price sa loob ng tatlong buwan, base sa Mean of Platts Singapore (MOPS).
Sa kabila niyan, handa ang DOTr at LTFRB na ipagpatuloy ang Fuel Subsidy Program na inaasahang sa April 2022 pa muling maipatutupad.
Sa kabila niyan, maayos na naimplemeta ito ng DOTr at LTFRB ang Fuel Subsidy Program LTFRB simula noong ipatupad ito noong Nobyembre 2021, taliwas sa mga naunang pahayag ng grupong Bayan Muna.
Ayon sa Bayan Muna, tinutulugan umano ng LTFRB ang trabaho na magbigay ng subsidiya sa mga Public Utility Vehicle (PUV) franchise grantees at hindi raw sigurado kung nakakarating sa kanila ang naturang Fuel Subsidy.
Ang PhP7,200 na Fuel Subsidy ay ibinigay ng Landbank of the Philippines (LBP) sa pamamagitan ng Pantawid Pasada Program (PPP) cash card na una nang naibigay sa mga benepisaryo noong aktibo pa ang programa hanggang 2020. Sa mga wala namang PPP Cash Card nang inimplementa ang Fuel Subsidy Program, nakipag-ugnayan ang LTFRB sa LBP para magawan ng cash card ang mga franchise grantee para makakuha rin sila ng Fuel Subsidy.
Base sa datos ng ahensya, nasa 136,230 franchise grantees (Traditional at Modern Public Utility Jeepneys) ang napamahaginan ng PhP7,200. Sa initial target ng LTFRB na mabigyan ng Fuel Subsidy simula nang inilunsad ang programa, LAHAT NG 136,230 BENEPISARYO ay napamahaginan ng subsidiya.
Sa pahayag ng Bayan Muna kung bakit “miniscule” ang Fuel Subsidy na ibinigay ng LTFRB sa mga benepisaryo, nakabase sa budget na ibinigay sa LTFRB sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) 2021 kung magkano ang maibibigay na Fuel Subsidy sa mas maraming benepisaryo. Noong inilunsad ang programa noong nakaraang taon, nasa 136,230 ang target na benepisaryo na mabigyan mula sa PhP1-B pondo ibinigay sa LTFRB.
Tinitiyak ng LTFRB na patuloy ang pagtulong ng ahensya sa mga miyembro ng pampublikong transportasyon na nangangailangan sa gitna ng nararanasang pandemya sa bansa.