Cavite1 Nanguna sina General Trias City Mayor Luis ‘JonJon’ Ferrer IV, CSWD head Bengky Generoso at Councilors Jay Columna, Martin Ferrer at Kristine Fortuno sa supplemental feeding program para sa mga daycare pupils noong Miyerkules sa People’s Park sa Brgy. San Juan 2, General Trias City, Cavite.

GenTri, Imus mayors nanguna sa feeding program

Dennis Abrina Sep 18, 2025
398 Views

GENERAL TRIAS CITY–Naganap ang malawakang supplemental feeding program sa siyudad na ito para sa mga daycare pupils at daycare teachers sa pakikipagtulungan City Social Welfare and Development Office noong Miyerkules sa People’s Park sa Brgy. San Juan.

Pinangunahan ni Mayor Luis “JonJon” Ferrer IV, CSWD head Bengky Generoso at Councilors Jay Columna, Martin Ferrer at Kristine Fortuno ang feeding program.

“Wala pong mas mahalaga sa isang magulang na mapalaki ang kani-kanilang mga anak na successful, Gusto po natin na lumaki ng maayos, malusog at may tamang gabay araw-araw sila,” sabi ng isang magulang.

Ayon kay Generoso, ang supplemental feeding ay para sa mga mag-aaral sa daycare centers sa lungsod.

“Makakatanggap po sila ng bigas, groceries, tinapay, karne, gulay para po sa tamang nutrition nila. Minimithi po ni Mayor Ferrer at ng LGU na maging malusog ang bawat batang GenTrisen̈o,” ayon kay Generoso.

Samantala, binisita naman ni Imus City Mayor Alex Advincula ang isa sa mga child development centers ng lungsod upang saksihan ang pagsisimula ng 15th Cycle Supplementary Feeding Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Layunin ng programang ito na masiguro ang sapat na nutrisyon ng mga kabataang Imuseño sa pamamagitan ng 120 feeding days na isasagawa sa 88 child development centers.

Ayon kay Advincula, suportado ng lokal na pamahalaan ang inisyatibang magsisilbing gabay upang maging malusog, masigla at maunlad ang kinabukasan ng kabataang Imuseño.