Sens. Jose Diokno, Lorenzo Tañada, at Joker Arroyo Sens. Jose Diokno, Lorenzo Tañada, at Joker Arroyo

Ginagawa ng Senado sa VP Sara impeachment, ikakahiya ng mga yumaong legal luminaries

18 Views

IKAKAHIYA umano ng mga namayapang senador tulad nina Sens. Jose Diokno, Lorenzo Tañada, at Joker Arroyo ang ginagawa ng kasalukuyang Senado sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa House impeachment panel spokesperson Atty. Antonio Audie Z. Bucoy.

“Mahihiya sila. Ikahihiya nila itong ginagawa ng kasalukuyang Senado. Calling a spade a spade,” sagot ni Bucoy sa tanong kung ano sa palagay nito ang iniisip ng mga senador na sumikat dahil sa kanilang kaalaman sa batas.

Ikinabahala ni Bucoy ang umano’y bumababang kalidad ng diskurso sa Senado, partikular sa paghawak sa impeachment ni VP Duterte, kabilang ang pag-remand o pagbabalik ng Articles of Impeachment sa Kamara at ang pagtanggap sa mosyon na ibasura ang kaso.

“Kasi po iba ‘yung composition noon eh. Iba. Umaani ng respeto. Walang patutsada,” aniya.

“Ngayon ho, dahil sa actuations nila, maraming patutsada. Hindi ho maiiwasan ‘yan. Hindi naman bulag ang tao eh,” dagdag pa niya.

Ayon sa beteranong abogado na matagal nang kasapi ng Free Legal Assistance Group (FLAG), ang kanyang legal at moral na gabay ay hinubog ng mga kilalang haligi ng demokrasya.

Kabilang sa mga binanggit niya ay sina yumaong Senador Jose Diokno, Lorenzo Tañada, at Joker Arroyo.

“Ang aking pong kaalaman bilang abogado, sila po ang nagpunla,” ani Bucoy.

“So natutunan ko how to litigate. Natutunan ko paano maglahad ng ebidensya. The tricks of the trade in other words. I learned the ropes from them, na kinilala kong malaking utang na loob,” dagdag pa niya.