Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Isko

Globe magtatayo ng dagdag cell towers sa Maynila — Isko

358 Views

PALALAWAKIN ng Globe Telecom ang kanilang inprastraktura ng network sa Maynila sa pamamagitan ng pagtatayo ng kanilang mga cell towers sa Tondo, University Belt, North Harbor, at Sampaloc.

Ito ang inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang pakikipagpulong sa mga tagapamahala ng Globe Telecom para talakayin ang plano ng kompanya na mapahusay ang pagkakakonekta nila sa mga residente ng Maynila, mga manggagawa, at estudyante.

Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong sina Globe President at CEO Carl Raymond R. Cruz, Chief Transformation and Operations Officer at Chief Customer Experience Officer Rebecca V. Eclipse, at ang Chief Commercial Officer na si Darius Jose R. Delgado.

Sinabi ng alkalde na inaasahan niya na ang pagpapalawak na gagawin ng Globe Telecom ay magpapalakas ng digital infrastructure sa lungsod na susi hindi lamang sa kompetisyon sa negosyo, kundi magiging daan din sa online na serbisyo sa mga residente.

“‘Roundtable discussion’ po tayo ngayon sa pamunuan ng Globe Telecom upang pag-usapan ang higit na pagpapaunlad ng connectivity ng mga residente, naghahanapbuhay, at mga mag-aaral sa Lungsod ng Maynila,” pahayag ni Mayor Isko Moreno.

Binigyang diin ng alkalde na bukas ang pamahalaan lungsod sa pagpapalawak ng mga proyektong pang-negosyo, kasabay ng pangako na hindi makakaranas ng anumang pang-aabuso at pangingikil ang mga mamunuhunan sa Maynila mula sa mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan.

Sinabi niya na lahat ng uri ng negosyo, kahit bago pa lamang o nagpapalawak, ay nakapagdadala ng malaking oportunidad sa mga Manileños na naghahanap ng trabaho.

“Ang ating prinsipyo: bawat negosyo, maliit man o malaki, bago man o expansion, tiyak na maglilikha ng trabaho para sa ating mga taga-lungsod,” sabi ng alkalde.