MMFF

Grand media, fan con inorganisa ng MMDA para sa 2024 MMFF

Edd Reyes Dec 7, 2024
110 Views

NAG-ORGANISA ang Metro Manila Film Festival (MMFF) ng grand media and fan con upang personal na makasalamuha ng mga filmmakers at artista ang kanilang mga tagahanga at miyembro ng media.

Isinagawa ang pagtitipon noong Biyernes sa Quantum Skyview Gateway Mall 2 sa Araneta City sa Quezon City kung saan pinanood ng mga tagahanga ang miyembro ng media ang mga trailers at behind-the scenes footages ng mga pelikula.

Kabilang sa mga ipinasilip na trailers ng mga pelikulang kalahok sa 50th edition ng MMFF ang “The Kingdom,” “Topakk,” “Espantaho,” “And The Breadwinner Is…,” “Uninvited,” “Hold Me Close,” “Green Bones,” “Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital,” “Isang Himala,” at “My Future You.”

Ipinaliwanag ni MMDA at MMFF Overall Concurrent Chairman Atty. Don Artes na layunin ng grand media and fan con na makabuo ng pananabik sa publiko ang mga ipapalabas na pelikula sa MMFF.

Dumalo sa fan con sina Judy Ann Santos, Carlo Aquino, Dennis Trillo, Francine Diaz, Sylvia Sanchez, Mylene Dizon, Eugene Domingo, Gladys Reyes, Chanda Romero at marami pang iba.

Sa naturang kaganapan, pinayagan ang mga manonood at tagahanga na makipag-ugnayan sa mga artista at producer ng pelikula upang alamin pa ang detalye sa kalahok na pelikula at mabati na rin nila ang paboritong artista.

Nailahad ng mga producers, director at mga artista ang kani-kanilang mga naging karanasan sa paggawa ng pelikula, pati na ng iba’t-ibang hamon na kinaharap bago matapos ang pelikula.

Magsisimulang mapanood ang mga pelikula ng MMFF 50th edition sa Disyembre 25 hanggang Enero 7, 2025 sa iba’t-ibang mga sinehan sa Metro Manila.