Marianito Augustin

Hagedorn naghain ng resolution para ma-secure control ng PH sa WPS

195 Views

SUMOSOBRA na talaga ang ginagawa ng mga Intsik sa ating mga Pilipino. Masyado nila tayong minamaliit porke’t hindi tayo lumalaban o gumaganti sa ginagawa nilang pangha-harass o pangbu-bully. Pero ang lahat ay may hangganan kaya kailangan na natin kumilos para ipaglaban ang ating karapatan.

Kaya bunsod ng walang pakundangang pangbu-bully na ginagawa ng mga sundalong Chinese sa ating mga Pilipinong sundalo diyan sa West Philippine Sea (WPS), naghain ng House Resolution si Palawan 3rd Dist. Congressman Edward S. Hagedorn para hikayatin ang pamahalaan na gumawa ng aksiyon patungkol dito.

Nais ni Hagedorn na ma-secure ng Pilipinas ang control nito sa WPS na unti-unti ng sinasakop ng China. Nakapaloob sa House Resolution No. 1201 na isinulong ng kongresista, hinihikayat nito ang gobyerno gumawa ng hakbang sa pamamagitan ng pagsasagawa ng joint multilateral maritime patrol sa WPS.

Nagudyok si Hagedorn na maghain ng resolution para magkaroon ng multilateral maritime patrol sa nasabing karagatan bunsod ng insidenteng nangyari sa WPS Palawan matapos ang ginawang pambo-bomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard (CCG) sa isang Philippine vessel na maghahatid sana ng supply at rotation mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Binigyang diin ng mambabatas na ang nabanggit na pangyayari ay bahagi lamang ng serye ng pangha-harass o harassment at pandarahas na ginagawa ng CCG laban sa mga Pilipinong mangingisda kabilang na dito ang pangbu-bully sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa WPS.