Bautista

Hakbang para hindi maulit power outage sa NAIA pinag-aaralan

Jun I Legaspi May 1, 2023
162 Views

PINAG-AARALAN ng Department of Transportation (DOTr) at power distributor na Manila Electric Co. (Meralco) ang mga hakbang upang maiwasan na muling magkaroon ng power outage sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista agad na ipinatawag ang mga kinatawan ng Meralco upang agad na maibalik ang suplay ng kuryente sa terminal.

“We met with Meralco even before the power was returned. We also had discussions on how to move forward,” sabi ni Bautista.

Nagkaroon ng power interruption ala-1 ng umaga noong Lunes, Mayo 1. Alas-8:46 ng umaga ng tuluyang maibalik ang suplay ng kuryente.

Kukuha naman ng third party na sasama sa MIAA at Meralco sa pagtukoy sa naging sanhi ng power outage.

Libu-libong pasahero naman ang naapektuhan ng power outage matapos na kanselahin ang kanilang mga flight kahit pa gumana ang generator ng Manila International Airport Authority (MIAA).

Hindi pa natutukoy ang eksaktong sanhi ng power outage. Na-detect umano ng fault indicator na lumakas ang boltahe ng kuryente kaya pinutol nito ang suplay.

“‘Yun po ang mga abnormalities sa sign ng circuit breaker kung saan kapag nasense yun ng fault indicator, yun po ay high amount of current na sya namang nasense ng fault indicator at dun nalaman namin kung saan i-trouble shoot, pero sa ngayon yun po ay amin pang tinitingnan ang eksaktong cause ng fault current,” paliwanag ni Meralco Engr. Noel Espiritu.

Sinabi ni Bautista na magsasagawa ang MIAA ng “full electrical audit” sa lahat ng terminal.

Ang buong electrical audit ng NAIA Terminal 3 ay matatapos sa loob ng tatlong buwan.

Sa pamamagitan ng full electrical audit ay matutukoy umano ng MIAA ang mga mahahalagang equipment na dapat gawing prayoridad sa pagbili.