Calendar

Hamon kay VP Sara itigil panlilinlang sa publiko, sagutin kung saan napunta confidential funds— DS Suarez
HINAMON ni House Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez si Vice Presidente Sara Duterte na itigil na ang panlilinlang sa publiko kasunod ng paratang na malawakang katiwalian, na ginawa umano upang ilihis ang atensyon mula sa hindi maipaliwanag na paggamit ng P612.5 milyong confidential funds.
“Walang kahit anong batayan ang paratang ng korapsyon laban sa House leadership. Ang tunay na isyu ay ang confidential funds na ginastos ni Vice President Sara Duterte sa loob lamang ng 11 araw, at kung bakit ang mga recipient ay may pangalan na tila kathang-isip—gaya nina ‘Mary Grace Piattos,’ ‘Jay Kamote,’ ‘Xiaome Ocho,’ at kung sinu-sino pang mukhang gawang pangalan lang. Ito ang dapat niyang ipaliwanag, hindi ang pagbibintang sa iba,” ani Suarez.
Ginawa ni Suarez, kinatawan ng Quezon, ang pahayag bilang tugon sa mga sinabi ni VP Duterte sa isang panayam sa Cagayan de Oro City, kung saan kinuwestiyon nito ang pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at nagpatutsada na mayroong malawakang korapsyon.
Buwelta ni Suarez, walang ni isang natuklasan ang Commission on Audit (COA) o alinmang independent agency na nagsasangkot kay Speaker Romualdez o sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa anumang uri ng katiwalian.
Hindi umano tulad ni VP Duterte na kinukuwestyon kung saan napunta ang daan-daang milyong confidential funds nito.
Batay sa impeachment complaint, ginastos ni Duterte ang P125 milyong confidential fund sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022. Ito ay bukod pa sa 375 milyong confidential fund na ginastos naman niya noong 2023.
Si Duterte ay gumastos din ng P112.5 milyong confidential funds habang nanunungkulan bilang Kalihim ng Department of Education. Kinukuwestyon kung saan napunta ang naturang pondo.
Batay sa liquidation report na isinumite ni Duterte sa Commission on Audit ibinigay ang pondo sa mga kuwestyunableng indibidwal na ang pangalan ay “Pampano,” “Jay Kamote,” at “Mary Grace Piattos” at marami pang iba na wala sa talaan ng Philippine Statistics Authority.
“These are not mere political statements—they are findings backed by audit reports, official documents, and sworn statements. The Vice President owes the public a clear and honest explanation. If she believes in transparency, she should welcome the opportunity to respond to these charges in the Senate,” ani Suarez.
Giit pa niya na ang integridad sa pagiging lingkod-bayan ay nangangailangan ng pananagutan mula sa lahat ng opisyal, anuman ang katayuan.
“This is not about personalities or politics. This is about the responsible and lawful use of public funds. The Filipino people deserve no less,” dagdag pa ni Suarez.