Just In

Calendar

January 2025
M T W T F S S
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
2728293031  
Hataman

Hataman boto sa panukala ni PBBM na magkaroon ng DPWH district office sa BARMM

Mar Rodriguez Nov 3, 2022
174 Views

IPINAHAYAG ng isang Mindanao congressman ang kaniyang buong suporta sa inilatag na panukala ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kaugnay sa pagtatayo ng DPWH district office para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos salantahin ng bagyong Paeng ang kanilang rehiyon.

Sinabi House Deputy Minority Leader at Basilan Lone Dist. Cong. Mujiv Hataman na ang pagtatayo ng district office sa BARMM kagaya ng iminumungkahi ni Pangulong Marcos ay upang mapabilis ang pagsasa-ayos ng Mindanao matapos itong salantahin ng bagyong Paeng na ikinasira ng mga mahahalagang infrastraktura.

Ipinaliwanag ni Hataman na napakaraming tulay at kalsada ang labis na napinsala ng nakaraang bagyo. Kung saan, marami sa kaniyang mga kababayan ang lubhang naapektuhan sapagkat hindi na madaanan ang mga nasirang tulay at kalsada.

Bukod dito, nabatid pa kay Hataman na napakahirap din para sa lokal na pamahalaan ng Mindanao ang makatanggap ng tulong mula sa ibang lalawigan at rehiyon dulot ng mga nasirang kalsada at tulay dahil ito lamang ang daanan papasok sa nasabing lalawigan.

“Noong nakaraang Kongreso (18th Congress) nag-file tayo ng isang resolution. Kasama ang ilang BARMM congressman na humihiling na magtayo ng National DPWH office sa BARMM. Ito ay nakapaloob sa House Resolution No. 333,” ayon kay Hataman.

Samantala, nananawagan naman si Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na ayusin nila sa lalong madaling panahon ang mga apektadong lalawigan na matinding sinalanta ng bagyong Paeng.

Bingyang diin ni Madrona na maituturing na “wrong timing” ang pananalasa ng bagyong Paeng sa ilang apektadong lalawigan sapagkat nangyari ito sa panahon na unti-unti ng nakakabangon ang sektor ng turismo sa mga lalawigang sinalanta ng bagyo.

Sinabi pa ni Madrona na mahalagang kumilos agad ang DPWH upang makabalik sa normal ang sitwasyon sa mga apektadong lalawigan sa pamamagitan ng pagsasa-ayos ng mga nasirang tulay, kalsada at iba pang mahahalagang infrastraktura.

“Nakakalungkot na ngayon pa ito nangyari kung kailan unti-unti ng nakakabalik sa normal o new normal ang ating bansa. Ang tiyak na maaapektuhan ng bagyong Paeng ay ang ating turismo dahil sa mga nasirang kalsada at tulay. Kaya dapat ay kumilos na agad ang DPWH para maisa-ayos ang mga apektadong lalawigan,” sabi pa ni Madrona.