Sara

Hindi pa bakunado, hinimok ni Mayor Inday na magpabakuna laban sa COVID-19

482 Views

HINIMOK ni vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte ang mga hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19 na magpabakuna na.

Ayon kay Duterte, ligtas ang mga bakuna na ginagamit sa bansa at makatutulong ito upang maiwasan ang malalang epekto ng COVID-19.

“Kailangan po tuloy-tuloy lang ang ating pagbangon dahil sinabi naman ng mga doktor ang kailangan natin ay bakuna, nandiyan na ba ang bakuna? Nagpabakuna na ba tayo? Nakapagpa-booster na ba tayo?,” tanong ni Duterte.

Sinabi ni Duterte na makatutulong ang pagpapabakuna upang maiwasan ang muling pagpapatupad ng lockdown na lubhang nakakasira sa kabuhayan ng bansa.

“Nandiyan na ang [gamot] sabi ng nga doktor. May gamot na ba tayo sa COVID? Mayroon na ang Merck and Pfizer para hindi magiging severe ang kaso ng nagkakasakit ng COVID. May gamot na at may bakuna na, tuloy-tuloy ang pagbubukas ng mga negosyo para tuloy-tuloy ang pagbalik ng trabaho ng mga tao,” sabi pa ng Davao mayor.

Nangako sina Duterte at ng running mate nitong si dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na gagawin ang lahat kapag sila ang nanalo upang maibalik ang mga trabahong nawala dahil sa pandemya.

Ngayong Biyernes ay nangampanya si Duterte sa Caloocan City.