Quiboloy

Hirit ni De Lima sa PBBM admin: Large-scale manhunt ilungsad vs Quiboloy

Mar Rodriguez Apr 14, 2024
110 Views

HINILING ni dating Sen. Leila de Lima sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglungsad ng isang malawakang laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy na wanted sa Pilipinas at Estados Unidos dahil sa mga kinakaharap nitong seryosong kaso.

Sinabi ni De Lima, isang dating chairperson ng Commission on Human Rights, na isang malakas na mensahe ang dapat na ibigay ng administrasyong Marcos kay Quiboloy, na bilang isang pugante ay hindi ito maaaring humingi ng mga kondisyon para sumuko.

Sa isang recorded statement, sinabi ni Quiboloy na susuko lamang ito kung magbibigay ng written guarantee si Pangulong Marcos na hindi makiki-alam ang Amerika sa mga kasong isinampa laban sa kanya.

“Quiboloy imagines himself as Leonardo DiCaprio when he says ‘Catch me if you can’ unless the government guarantees non-‘US interference’ in his cases,” ani De Lima.

“This is just the latest delusion of the self-proclaimed ‘Son of God’ that merits the strongest response from the BBM Admin lest it appears to have no balls in bringing Duterte’s allies to justice,” dagdag pa nito.

“The gov’t must send the strongest message to Quiboloy that no fugitive can impose conditions on the authorities by launching a large-scale manhunt.”

Si De Lima ay nakulong noong panahon ng administrasyong Duterte matapos na tuligsain ang madugong anti-drug war nito. Ang war on drugs ay iniimbestigahan ng International Criminal Court.

Habang tumatagal, sinabi ni De Lima ay mas naniniwala ang mga Pilipino na totoo ang mga alegasyon kay Quiboloy.

“The more you run, the more you’d be indicted by public opinion. One can prove his/her innocence only within the justice system and hardly, if not never, outside of it,” sabi ni De Lima.

Bukod sa inilabas na warrant ng korte, naglabas din ng arrest warrant ang Senado at Kamara dahil sa hindi pagsipot ni Quiboloy sa mga pagdinig ng mga komite nito.

Nagsampa naman ang Department of Justice ng mga kasong kriminal laban sa Quiboloy sa mga korte sa Davao City at Pasig City kaugnay ng umano’y sexual abuse at qualified human trafficking ng 17-anyos na babae noong 2011.

Sa Estados Unidos, naglabas ng arrest warrant ang isang California Central District judge laban kay Quiboloy sa mga kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy at cash smuggling.