Hontiveros Sen. Risa Hontiveros

Hontiveros kay Quiboloy: Magkaroon naman kayo ng kaunting hiya

48 Views

QuiboloyMARIING kinondena ni Sen. Risa Hontiveros ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ni Pastor Apollo Quiboloy para sa pagka-senador sa nalalapit na halalan sa 2025.

Si Quiboloy na pinuno ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ay nahaharap sa sari-saring kaso tulad ng human trafficking at pang-aabuso sa bata (sexual abuse), hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa Estados Unidos.

Sa isang pahayag, sinabi ni Hontiveros ang kanyang pagkadismaya sa diumano’y “lakas ng loob” ni Quiboloy na maghangad ng posisyon sa pamahalaan sa kabila ng mga seryosong paratang laban sa kanya.

Ani ni Hontiveros, “Apollo Quiboloy, magkaroon naman kayo ng kaunting hiya.”

Binanggit din ni Hontiveros na bagama’t karapatan ng bawat mamamayan na tumakbo para sa posisyon, dapat gamitin ng mga Pilipino ang kanilang karapatan na pumili ng mga kandidatong may malinis na rekord.

“Nagtitiwala akong may sapat na kaalaman tayong mga Pilipino… para hindi iboto si Quiboloy,” dagdag pa ni Hontiveros, at binigyang-diin din niya na, “Let us not elect lawbreakers as lawmakers.”

Sa kabila ng kanyang pagkakulong sa Camp Crame at mga kasong hindi pinapayagang makapagpiyansa, naghain pa rin ng COC si Quiboloy sa pamamagitan ng kanyang kinatawan noong Oktubre 8.

Ipinaliwanag ng kanyang abogado, si Mark Tolentino, ang plataporma ni Quiboloy na nakasentro sa kalayaan sa relihiyon, serbisyong pangkalusugan para sa mahihirap at reporma sa edukasyon.

Inilarawan ni Tolentino ang kampanya ni Quiboloy na nakatuon sa mga “God-centered” na polisiya at ang pangangalaga sa kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino.

Kasama sa mga kasong kinakaharap ni Quiboloy ang human trafficking at sexual abuse, kung saan siya ay nag-plead ng not guilty sa isang korte sa Pasig.

Kasalukuyan ding may mga arrest warrants laban sa kanya mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos dahil sa mga katulad na kaso.

Sa gitna ng mga kasong ito, hindi pa rin natinag si Quiboloy at umaasang makapaglilingkod sa Senado upang itaguyod ang kalayaan sa relihiyon at mapabuti ang serbisyong pangkalusugan.

Ayon kay Hontiveros, hindi nakapagtataka na napakaraming kritisismo ang lumalabas laban sa pagtakbo ni Quiboloy sa Senado, kung saan marami ang nagtatanong sa moralidad at integridad ng isang kandidatong nahaharap sa mabibigat na paratang upang maghangad ng mataas na posisyon sa gobyerno.

“Mahalagang mamili tayo ng tamang tao na maglilingkod sa atin ng totoo,” dagdag pa ni Hontiveros.