Calendar

Hontiveros suportado pag-aresto sa mga sangkot sa Porac POGO hub; hinikayat si Roque na harapin ang kaso
“ANG batas ay batas na dapat igalang!”
Ito ang malugod na tugon at pagsalubong ni Senador Risa Hontiveros sa inilabas na mga arrest order laban kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque, Cassie Li Ong at iba pang indibidwal na inuugnay sa mga ilegal na aktibidad sa Philippine offshore gaming operation (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
“The arrest orders issued against Harry Roque, Cassi Li Ong, and everyone involved in the Porac POGO hub are a welcome development in our crusade against POGOs,” saad ni Hontiveros sa kanyang opisyal na pahayag ng Mayo 16.
Ang nasabing hub sa Porac ay matagal nang iniimbestigahan matapos ang raid ng mga awtoridad, bunsod ng ulat na ito ay pinamumugaran ng ilegal na offshore gaming operations at iba pang malalaking krimen.
Batay sa imbestigasyon ng mga ahensya at ulat ng media, ang lugar ay sinasabing ginagamit sa human trafficking, torture at mga online scam—mga aktibidad na karaniwang ikinakabit sa mga sindikatong nagtatago sa likod ng POGO.
Tinawag ni Hontiveros ang compound na ito bilang “one of the biggest scam compounds in the country.” Aniya, “Talamak ang human trafficking, kidnapping, torture, money laundering, at kung anu-ano pang krimen.”
Hinikayat din ng senadora si Roque, na sinasabing kasalukuyang nasa labas ng bansa, na bumalik at humarap sa batas.
“Harry Roque must be compelled to return to the Philippines. If he doesn’t, not only would he be evading an arrest order from Congress, he would also be defying a lawful order from a court,” aniya.
Dagdag pa ni Hontiveros, “Abogado siya kaya alam niya na mali ang ginagawa niyang pag-iwas sa batas.”
Maliban kina Roque at Ong, tinukoy rin ni Hontiveros ang ninong ni Cassie Li Ong na isa rin sa mga nasa listahan ng arrest order. Ayon sa senadora, naungkat ang nasabing ninong ni Ong sa mga pagdinig sa Senado dahil sa umano’y ugnayan nito sa isang Chinese junket operator na konektado sa na-disband na gaming brand.
Ang citizenship bid umano ng junket operator ayon sa senadora ay matagal nang tinutulan ng ilang mambabatas at nagsilbing babala kung gaano kadaling makapasok sa bansa ang mga dayuhang may kaduda-dudang intensyon.
“These dubious personalities seem to be interconnected,” babala ni Hontiveros. Ipinunto niyang mahalagang managot sa batas ang mga sangkot upang hindi na makapambiktima muli.
“Kaya importante na mapanagot ang mga mapatunayang maysala. Kung hindi, mag-iibang anyo lang sila at makakapambiktima na naman ng mga kababayan natin,” sabi ni Hontiveros.