Gonzales Nag-uusap sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. (gitna), Committee on Good Government Chairman Rep. Joel Chua (kanan) at Vice-Chairman Rep. Romeo Acop (kaliwa) sa break sa pangatlong pagdinig ng Committee on Good Government sa People’s Center sa Kamara de Representantes Huwebes ng umaga ukol sa paggamit ng Office of the Vice President ng confidential funds. Kuha ni VER NOVENO

House committee nag-isyu muli ng subpoena sa 6 na opisyal ni VP Sara

49 Views

NAG-ISYU muli ng subpoenas ang House Committee on Good Government and Public Accountability sa anim na opisyal ni Bise Presidente Sara Duterte. Kung hindi pa rin sila dadalo sa susunod na pagdinig ng komite, maari silang maaresto.

Pinangunahan ni Manila Rep. Joel Chua ang Blue Ribbon panel sa pag-isyu ng subpoenas kina Atty. Zuleika Lopez, chief-of-staff ni VP Duterte; Atty. Lemuel Ortonio, assistant OVP COS; Atty. Rosalynne Sanchez, OVP Director for Administrative and Financial Services; Gina Acosta, OVP Special Disbursing Officer; Juleita Villadelrey, OVP Chief Accountant; at Edward D. Fajarda, dating DepEd Special Disbursing Officer at ngayon ay nasa OVP.

“May naririnig ba akong mosyon para sa pag-isyu ng subpoena ad testificandum sa mga resource persons na aming inimbitahan o subject ng show cause order ngunit tumangging dumalo at kilalanin ang komite na ito,” ani Chua.

Sumang-ayon si Rep. Keith Flores at nag-move para sa pag-isyu ng subpoena ad testificandum sa mga taong nabanggit ng Comsec na binigyan ng show cause orders.

“Duly seconded … Ang Comsec ay inaatasan na maglabas ng subpoena ad testificandum sa mga sumusunod na resource persons,” dagdag pa ni Chua.

Ang mga opisyal ng OVP ay binigyan ng show-cause orders dahil sa kanilang pagliban, at nagbabala si Chua na posibleng maharap ang mga ito sa contempt citations at pag-aresto kung patuloy silang iiwas sa pagdinig.

Ang imbestigasyon ay nagmula sa mga akusasyon ng maling paggamit ng P125 milyon na confidential funds ng OVP, kung saan P73 milyon ang na-flag ng Commission on Audit (COA).

Naging isyu sa ulat ng COA ang paggastos ng malaking bahagi ng pondo sa loob lamang ng 11 araw, mula Disyembre 20 hanggang 31, 2022. Sa kabila ng pag-isyu ng show-cause orders, wala sa mga opisyal ang dumalo sa mga nakaraang pagdinig.

Humiling din si Chua, sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration at Department of Justice, ng lookout bulletin order upang matiyak na hindi makalalabas ng bansa ang mga opisyal at maiwasan ang pag-iwas sa pananagutan.

“May I also request that a lookout bulletin order be issued as well in coordination with the Bureau of Immigration and DOJ,” pahayag pa ni Chua.

Tinalakay rin sa pagdinig ang posibleng papel ni Atty. Lopez, ang OVP Chief of Staff, at ng kanyang team sa paghawak ng mga disbursement at ang kakulangan ng transparency sa paggamit ng mga pondo.

Ang imbestigasyong ito ay bahagi ng mas malawak na pagsisiyasat sa mga praktis ng badyet ng OVP at ang kwestiyonableng paggamit ng pondo ng gobyerno. Tinalakay rin ang mga iregularidad sa termino ni VP Duterte bilang Secretary of Education.

Ang isyu ay nakakuha ng atensyon ng publiko, na nananawagan para sa mas mahigpit na pag-monitor sa paggastos ng gobyerno at ang papel ng mga mataas na opisyal sa pagtiyak ng tamang paggamit ng pondo ng bayan.