Frasco

House Committee on Tourism ikinagalak inisyatiba ni Sec. Frasco para mapalakas ang PH tourism 

Mar Rodriguez Feb 8, 2024
134 Views

IKINAGALAK ng House Committee on Tourism ang ginawang inisyatiba ni Department of Tourism (DOT) Sec. Maria Christina Garcia Frasco matapos nitong pagtibayin ang pakiki-isa o collaboration sa Philippine Ambassador to the Czech Republic para mas lalo pang mapalakas ang Philippine tourism.

Ayon kay Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, chairman ng Committee on Tourism sa Kamara, layunin ng binalangkas na kasunduan o collaboration sa pagitan ng Pilipinas at Czech Republic na lalong mapalakas ang turismo ng bansa.

Sinabi ni Madrona na isinelyado o pinagtibay ang nasabing collaboration sa pagitan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng paglagda nina Frasco at Czech Ambassador Eduardo Martin Nenez sa isang Memorandum of Understanding (MOU) para magkatulungan ang Pilipinas at bansang Czech.

Dahil dito, nagpahayag ng pagka-optimistiko si Madrona sa nabuong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Czech Republic. Sapagkat inaasahan na malaking bagay aniya ang maitutulong nito para sa lalo pang pagsusulong o pagpapabuti ng turismo ng bansa sa pamamagitan ng mga papasok na turista.

Binigyang diin ng kongresista na sa pamamagitan ng binalangkas na collaboration. Inaasahan na maraming turista mula sa Czech Republic ang dadagssa sa Pilipinas bunsod na rin ng gagawing panghihikayat ni Ambassador Nenez sa kaniyang mga kababayan na magtungo sa Pilipinas.

Ipinabatid pa ni Madrona na isang magandang oportunidad para sa mga Pilipino ang nabuong collaboration dahil tiyak na magpupuntahan sa Pilipinas ang mga turista mula sa Czech Republic partikular na sa panahon na masyadong malamig sa kanilang bansa o sa kabuuan ng Europe.

Pinapurihan ni Madrona si Sec. Frasco dahil sa ipinapakita nitong sipag at pagpupunyagi para mas lalo pang mapabuti ang Philippine tourism sa pamamagitan ng pakikipag-kasundo sa ibang mga bansa.