Madrona

House Committee on Tourism nanawagan sa DOTr na kailangang ma-improve nito ang mga airport operations para makakatak ng mga dayuhang turista

Mar Rodriguez Jul 22, 2023
182 Views

NANANAWAGAN ang House Committee on Tourism sa Department of Transportation (DOTr) na kailangan nitong pagbutihin o ma-improve ang kalunos-lunos na sitwasyon ng mga airport operations sa bansa para mas lalo pang makahatak ng mga dayuhang turista nagpupunta sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng Committee on Tourism sa Kamara, na ang mga paliparan o airport ang “gateway” ng bansa. Kung saan, inilararawan mismo nito ang “first impression” ng mga pumapasok na dayuhan para sa Pilipinas.

Sinabi ni Congressman Madrona na katulad sa isang bisitang pumapasok sa isang tahanan, kung masama na agad ang impression ng mga dayuhang turista sa mga airport pagpasok pa lamang nila ng bansa. Hindi maiiwasang ganito na rin ang maging impression nila sa Pilipinas.

Dahil dito, binigyang diin ng kongresista na kailangang maging kaaya-aya ang sitwasyon sa mga airport sa pamamagitan ng pagsasa-ayos ng DOTr sa mga pasilidad nito upang hindi madismaya o mawalan ng gana ang mga dayuhang turista na nagpupunta sa Pilipinas.

Ayon kay Madrona, mawawalan ng saysay umano ang promotion at panghihikayat ng Department of Tourism (DOT) sa mga dayuhang turista na magpunta sa Pilipinas kung napakasama naman ang kalagayan ng mga airport sa Pilipinas sapagkat ito ang una nilang pinupuntahan papasok ng bansa.

Ganito rin ang naging pananaw ni House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco na napakahalagang maisa-ayos ang mga paliparan sa bansa para mas lalong ma-engganyo ang mga dayuhan na magpunta sa Pilipinas.
Kasabay nito, umaasa si Congressman Frasco na magkakaroon pa ng maraming infrastructure projects ang Marcos, Jr. administration para magbigay benepisyo sa tourism sector kasunod ng unti-unting pagbangon o gradual recovery ng Philippine tourism matapos ang halos dalawang taong pandemiya.