Suarez

House leaders: Makasaysayang trilateral meeting panawagan sa int’l community para itaguyod rules-based order

Mar Rodriguez Apr 11, 2024
119 Views

ANG makasaysayang trilateral summit nina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., US President Joe Biden, at Japanese Prime Minister Fumio Kishida ay nagsisilbi umanong panawagan sa international community upang itaguyod ang rules-based order, ayon sa mga lider ng Kamara de Representantes.

Sinabi ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez na ang pagpupulong na gaganapin sa Washington DC ay naglalayong palakasin ang alyansa ng tatlong bansa habang iginigiit ang pagsunod sa pandaigdigang batas at kaayusan.

“This momentous gathering not only symbolizes unity but also underscores the urgent need for global solidarity in preserving the rules-based international system. Like what our good Speaker Martin G. Romualdez said, such a system forms the cornerstone of lasting peace, stability and prosperity across nations,” ani Suarez.

Sinabi naman ni Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales na ang trilateral meeting sa pagitan ng tatlong lider ay nagsisilbing panawagan para sa rules-based order sa mundo lalo at mayroong tensyon sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

“Sa gitna ng tumitinding tensyon sa WPS, nakikita natin ang paglago ng suporta mula sa buong mundo sa pagsunod sa rules-based order at ang pagtutulak ng freedom of navigation. We all recognize that the WPS is a vital conduit for global trade, and it should remain that way,” sabi ni Gonzales.

Sa WPS dumaraan ang tinatayang $5 trilyong halaga ng mga kalakal taun-taon o mahigit 60 porsyento ng global maritime trade na katumbas ng 22 porsyento ng kabuuang halaga ng kalakalan sa mundo.

Binigyan-diin naman ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ang kahalagahan ng kalayaang makapaglayag sa WPS.

“The freedom of navigation in these waters is paramount, facilitating trade, communication and regional security. The trilateral meeting aimed to enhance cooperation among the three nations to safeguard this essential right effectively,” sabi ni Dalipe.

Nauna ng sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na dahil sa kahalagahan ng WPS sa global trade ay dumarami na ang mga bansa na nagsusulong ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Patunay umano dito ang mga bansa na nais na makilahok sa 2024 Balikatan exercises.

Ngayong taon 11,000 sundalong Amerikano at 5,000 miyembro ng Armed Forces of the Philippines ang kalahok sa joint military exercise.

Inaasahan din ang pagkakaroon ng kaparehong pagsasanay ng kasama ang France at Australia.

Magsisilbi namang observer ang Japan, South Korea, India, Canada, the United Kingdom, Thailand, Singapore, Vietnam, Indonesia, Brunei, Malaysia, Germany, at New Zealand.