Romero

HOUSE panel saludo sa pagtulong ng Kamara sa mga nasalanta ng bagyo sa Bicol

Mar Rodriguez Nov 21, 2024
40 Views

PINAPURIHAN ng Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang Kamara de Representantes sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez dahil sa tulong na ipinagkakaloob nito para sa libo-libong mamamayan ng Bicol na nasalanta ng super-typhoon Pepito.

Nauna rito, dalawam-put-apat na trailer truck mula sa Kamara ang tumulak patungong Bicol para mamahagi ng tulong para sa libo-libong residente na sinalanta ng nasabing super-typhoon alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na inilunsad naman ng liderato ng Kongreso katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Dahil dito, sabi ni Romero na ang inisyatibang inilunsad ng Kamara de Representantes ay nagpapakita lamang na aktibo ang liderato ng Mababang Kapulungan sa pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan lalo na sa panahon na nasa kagipitan ang sinomang mamamayan gaya ng sinapit ng mga Bicolano.

Pagdidiin pa ni Romero na nais lamang nilang ipakita sa mamamayang Pilipino na “pro-active” ang kasalukuyang liderato ng Kamara, kasama na ang lahat ng mga kongresista sapagkat prioridad nila ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng bawat Pilipino na nahaharap sa krisis gaya nito.

Ikinagalak din ng Party List Congressman ang pagpapadala ng 24 truck trailers na naglalaman ng mga relief goods na umaabot sa P750 milyong halaga kabilang na dito ang milyong halaga ng financial assistance para sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyo kamakailan kasama na ang Catanduanes.

Ayon pa kay Romero, malinaw din ang mensahe ng Pangulong Marcos, Jr. na ang bawat mamamayan ay kinakailangang magtulungan upang muling makabangon ang ating mga kababayang inilugmok ng suliranin gaya ng naranasan ng libo-libong residente sa Bicol.