pauls

Huwag naman ganyan, Comelec

Paul M. Gutierrez Feb 24, 2022
251 Views

KAHAPON, Pebrero 24, 2022, nagkaroon ng kasunduan ang Commission on Elections (Comelec) at ang online news site na Rappler para umano magkaroon ng voters’ engagement at malabanan ang disimpormasyon na may kinalaman sa 2022 national at local elections.

Hindi natin alam kung bakit sa dinami-dami ng mga media groups at organizations sa buong bansa, Rappler pa ang napili ng Comelec para dito.

Alam naman ng lahat ang mukha ng Rappler sa kasalukuyan na lantaran ang pagiging anti o laban sa kasalukuyang administrasyong Duterte; laantaranndun ang pagiging propagandista ng Rappler pabor sa mga Dilawan at sa mga teroristang grupo, katulad ng CPP at sa mga galamay nito sa Loob at labas ng Kongreso.

Sa isang totoong nasa media, madaling makita ang pagkiling ng isang reporter sa balita at ibinabalita.

Alam naman natin na karapatan ng Comelec na piliin kung sino ang nais nilang makatuwang sa paglaban sa disimpormasyon kagaya ng fake news upang mas magkaroon ang mga mamamayan ng wastong desisyon. Partikular na ngayong eleksiyon na nagkalat ang mga paninira, pagpapakalat ng maling impormasyon at presensiya ng mga bayarang troll sa social media.

Reyalidad ito sa panahon natin ngayon at magandang hakbang na nakikita natin na kumikilos ang Comelec para labanan ang mga ito.

Dahil kahit sa hanay ng media kailangan din naming bantayan ang mga nasa propesyon na masisilaw at magagamit sa maling mga bagay ang kanilang trabaho.

Pero ang tanong natin sa Comelec, bakit ang Rappler gayong maraming nagtataas ng kilay sa kasalukuyang rekord ng nasabing news site?

Bakit hindi man lang ginawang demokratiko ng Comelec ang pagpili kung sino o sinu-sinong media organization ang kanilang makakatuwang sa sensitibong isyung ito? Yung mas may kredibilidad kesa sa Rappler.

Alam naman ng lahat na ang chief executive nito na si Maria Ressa ay convicted ng libel ng korte sa Maynila. May mga isyu pang kinakaharap ang Rappler pero huwag na nating isa-isahin dito. Paanong magkakaroon ng kredibilidad ang ganitong media organization?

Maraming media outfits sa bansa ang higit na may kredibilidad kesa sa Rappler.

Sana ipinaalam ng Comelec sa iba’t ibang media ang kanilang pagnanais na labanan ang disimpormasyon at nakapamili nang mabuti sa mga ito. Tiyak tayong maraming mga media organization ang magnanais na tumulong dito dahil uulitin natin, problema din ito mismo kahit ng media.

Napapaisip din tayo kung may kinalaman ba dito ang mga Kano na nais makialam sa eleksiyon sa Pilipinas?

Kaya mas kailangan nating bantayan kung ano ang mga nagiging galawan ng Comelec dahil maaamoy dito ang mga hakbang ng Amerika na nagnanais ng kandidatong mapapasunod at luluhod sa kanila.

Kung ang pagkakaroon ng eleksiyon na may kredibilidad at pagtatanggol ng mamamayan laban sa fake news o disimpormasyon, hindi ang Rappler ang nakikita nating media outfit ang nararapat para dito.

Kaya hindi maiiwasang maraming nasa media ang nagtataas ng kilay sa hakbang na ito ng Comelec na iisa ang tanong: Bakit naman Comelec? Bakit ang Rappler?

At pagbati naman sa Bureau of Customs (BOC) sa kanilang ika-120 anibersaryo noong Miyerkules at sa Department of Science and Technology (DOST) sa kanilang anibersaryo kahapon.