Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

IMF Mission bilib sa takbo ng ekonomiya, polisiya ng bansa—Speaker Romualdez

227 Views

BUMILIB ang mga miyembro ng International Monetary Fund (IMF) Mission sa itinatakbo ng ekonomiya ng Pilipinas at sa mga reporma sa polisiya na ipinatutupad ng administrasyong Marcos para mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.

Sa pakikipagpulong sa mga miyembro ng IMF Mission, inilatag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang takbo ng ekonomiya ng bansa at ang mga polisiyang gagamitin para mapanatili ito.

Sinabi ni Speaker Romualdez na layunin ng mga polisiya na matiyak na walang Pilipino ang maiiwanan sa muling pagbangon ng bansa mula sa epekto ng pandemya.

“From our discussions, I could confidently say that the IMF Mission Members were impressed with the Philippines’ economic performance and the government’s economic agenda. They expressed confidence that the Philippines will continue to grow strongly in the years ahead,” ani Speaker Romualdez.

Ang mga miyembro ng IMF na dumalo sa pagpupulong ay sina Mission Chief Jay Peiris, Resident Representative Ragnar Gudmundsson, Senior Economist Yinqiu Lu, at Economist Tristan Hennig.

Ayon kay Speaker Romualdez kinilala ni Peiris ang magandang direksyon na tinatahak ng ekonomiya ng Pilipinas na matatag umano at kayang tumanggap ng mga dagok.

Kasama ni Speaker Romualdez sa pagpupulong sina Marikina Rep. Stella Quimbo at House Secretary General Reginald Velasco.

Regular na nagsasagawa ng policy dialogue ang IMF sa mga miyembro nitong bansa. Tinitignan nito ang kondisyong pangekonomiya at nagbibigay ng rekomendasyon para mapanatili ang pag-unlad ng mga bansang kasapi nito.

“I am grateful to the IMF Mission Members for their visit and I look forward to a more insightful and productive collaboration with them in the future,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ginawa ang pagpupulong isang araw matapos ihayag ng National Economic Development Authority (NEDA) na nakapagtala ang Pilipinas ng 6.4 porsyentong paglago sa ekonomiya sa unang tatlong buwan ng taon, na mas mataas kaysa sa inaasahan.

Ayon kay NEDA Chief, Director General Arsenio Balisacan, mas maganda ang itinakbo ng ekonomiya sa unang quarter ng taon kumpara sa Indonesia (5 porsyento), China (4.5 porsyento) at Vietnam (3.3 porsyento).

Mas mataas din umano ito sa inaasahang paglago ng Malaysia (4.9 porsyento), India (4.6 porsyento) at Thailand (2.8 porsyento).