Calendar

Info kampanya ukol sa pagboto sa malls para sa lolo, lola inihirit
INIHIRIT ni Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa pamunuan ng 42 malls na gagamiting voting precints sa papalapit na midterm elections na magsagawa ng information and education campaign sa hanay ng senior citizens at may kapansanan.
Ayon kay Ordanes, dapat ipaalam sa senior citizens at PWDs na maari silang makaboto sa malls sa eleksyon sa Mayo.
“Lubusin na ang pagmamalasakit sa pamamagitan ng information and education drive na ang seniors at PWDs ay komportable na makakaboto sa malls,” pahayag ni Ordanes.
Umapela din ang namumuno sa House Committee on Senior Citizens sa mga kaanak at tagapag-alaga ng botanteng senior citizens at PWDs na maari silang makaboto sa malls sa darating na Mayo 12.
Nauna rito, pinasalamatan ni Ordanes ang Commission on Elections (Comelec) sa mga hakbang para sa madali at mas maayos na pagboto ng senior citizens at PWDs.
Nanghihinayang na lamang din si Ordanes na hindi pa naaprubahan ang isinulong niyang House Bill No. 7576 o ang Early Voting Act for Seniors and PWDs ay hindi pa naipasa sa Senado.
Ayon sa mambabatas naaprubahan na sa Kamara ang panukala noon pang Mayo 2023 at agad na ipinadala sa Senado ngunit mistulamg inupuan lang ng mga senador.