Estero

Isko: Bubuhayin ko ‘estero rangers’

Edd Reyes Mar 10, 2025
11 Views

BUBUHAYIN ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang “estero rangers” para linisin ang mga kanal at iba pang daluyan ng tubig sa Manila.

Sinabi ni Domagoso na kinakailangan ang pangako at pagtutulungan para sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig.

Binuo niya ang “estero rangers” bilang suporta ng kanyang administrasyon sa programang rehabilitasyon at paglilinis ng Manila Bay.

Kahit proyekto ng pambansang pamahalaan ang rehabilitasyon sa Roxas Boulevard, may papel din na dapat gampanan ang Maynila na suportahan niya sa pamamagitan ng paglilinis at pagpapabuti sa mga daluyan ng tubig.

“Kami naman sa Manila naging bahagi rin ng programa sa aming sariling kakayahan,” sabi ni Domagoso. Idinagdag niya na ang dating director ng Department of Public Service (DPS) na si Kenneth Amural may papel na ginampanan sa pagpapanatili ng kalinisan sa lungsod.

“Dahil sa dedikasyon ng mga empleyado ng lungsod, patuloy nilang nililinis ang kalsada ng Maynila araw-araw,” dagdag ni Domagoso.

Ang naging kapansin-pansin pa ang paglilinis sa Baseco kung saan tinangay lamang ng alon dito ang mga basura.

“Ang basura roon hindi naman talaga galing sa mga residente kundi inaanod lamang mula sa Manila Bay at napadpad sa dalampasigan,” paliwanag niya.

Sa kabila nito, hindi kinakitaan ng katamaran sa paglilinis ang mga estero rangers at maging mga residente ng Baseco lalu’t kalinisan at kaayusan ang isa sa kanyang prayoridad noon bukod pa sa imprastraktura, pabahay, edukasyon at pangangalaga sa kalusugan.