Japan

Japanese national tiklo ng BI sa voice phishing

Jun I Legaspi Jan 6, 2025
19 Views

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) agents ang isang Japanese national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Tokyo dahil sa umano’y panloloko sa isang biktima ng halos tatlong milyong yen sa pamamagitan ng voice phishing.

Kinilala ang Hapones na si Yokota Tetsuya, 39, na naaresto noong Enero 2 sa Ongpin St., Binondo, Manila ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI.

Naglabas ng mission order ang BI laban kay Tetsuya sa kahilingan ng Japanese government na nagpaalam sa BI tungkol sa presensya ng pugante sa bansa.

Ayon kay BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, may outstanding arrest warrant si Tetsuya na inisyu ng summary court sa Omiya, Japan.

Inakusahan ng mga awtoridad si Tetsuya at kanyang mga kasabwat na nang scam sa pamamagitan ng tawag sa telepono sa kanilang biktima.

Nagawang linlangin ng mga ito ang biktima na naengganyo na bigyan sila ng 2.75 milyong yen ($17,000) na cash sa pamamagitan ng koreo.

Nakakulong si Tetsuya sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportation proceedings.