Jinggoy

Jinggoy, iginiit ang halaga ng medical reserve corps sa panahon ng kalamidad, health crisis

175 Views

IGINIIT ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang halaga ng pagkakaroon ng on-call medical reserve corps (MRC) na maaaring tumugon sa mga pagkakataong magkulang ang mga medical personnel sa bansa at sa panahon ng medical crisis at kalamidad sa mga local government units (LGUs).

“Kaakibat ng paghahanda natin sa ‘The Big One’ na maaaring mag-iwan ng malaking pinsala sa iba’t ibang lugar sa ating bansa ay ang paglalatag ng mga contingency measures na tutugon sa medical at health emergencies sa mga ganitong sitwasyon, maging sa iba pang kalamidad,” ani Estrada.

Bunsod nito, inihain ni Estrada ang mabilisang pagpasa ng Senate Bill 1017, o ang iminumungkahing Medical Reserve Corps Act.

Sa kanyang panukalang pagtatag ng medical reserve corps, binanggit ni Estrada ang naging karanasan at mga hamong hinarap ng bansa, ng mga komunidad at maging ng healthcare sector noong kasagsagan ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Sa ilalim ng SB 1017, ang mga miyembro ng MRC na magbibigay serbisyo ay makatatanggap ng kaukulang kabayaran at proteksyon batay sa mga umiiral na batas at pamantayan sa paggawa, kabilang na ang allowance, pangangailangang medikal, libreng pagpapaospital, iba pang mga pribilehiyo at benepisyo sa panahon ng kanilang mobilisasyon.

Patuloy din silang tatanggap ng kanilang mga suweldo, allowances, at iba pang mga pribilehiyo at benepisyo mula sa kanilang regular na trabaho sa panahon ng kanilang paninilbihan.

Sa ilalim ng panukalang batas ni Estrada, walang miyembro ng MRC ang mananagot sa pagkamatay ng sinumang tao, at pagkawala o pinsala sa mga ari-arian.

Ang mga recruit ay bibigyan din ng bayad para sa kanilang pagdalo sa compulsory basic training sa disaster and health emergency response, aniya.

Ang mga lisensiyadong manggagamot na nagretiro na o hindi na nagsasanay ng kanilang propesyon sa ospital at iba pang kaugnay na lisensyadong health professionals ay maaaring maging bahagi ng MRC, maging ang estudyante na nakapagtapos na ng apat na taon ng kursong medikal, mga nagtapos ng medisina, at registered nurses ay maaari ding makilahok alinsunod sa RA 2382 o ang Medical Act of 1959.

Batay sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH) na pangangasiwaan ang MRC, maaaring ipag-utos ng Pangulo ang pambansang mobilisasyon ng MRC pandagdag sa AFP Medical Corps kung sakaling magdeklara ng state of war, state of lawless violence o state of calamity.

Maaari rin silang bahagya o malawakang pakilusin kung kinakailangan ng DOH.