Ople

Ka Blas tinawag na ‘champion of labor’ ni BBM

261 Views

TINAWAG na ‘champion of labor’ ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si dating senador at Labor Secretary Blas Ople.

Sinambit ni Marcos ang taguri sa kanyang pakikipag-usap kay Susan ‘Toots’ Ople, ang pinakabata sa pitong anak ni Sen. Ople.

Si Sen. Ople ay nagsilbing labor chief sa loob ng 17 taon noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at nakilala sa kanyang malaking ambag sa sektor ng paggawa kabilang ang pagkakaroon ng trabaho ng mga Pinoy sa abroad.

“Yung champion ng labor talaga noon si Ka Blas, Blas Ople hindi ba? Yun talagang naiintindihan talaga nya at saka nakikita ko pinapaliwanag nya sa matanda, sa father ko. Talagang pinaglalaban nya nang mabuti. Mahusay naman talaga kaya nakikinig yung aking ama. Ganon din ang gagawin natin,” sabi ni BBM.

Itinalaga ni Marcos Sr. si Sen. Ople bilang kalihim ng labor department noong 1967.

“Naiyak talaga ako, kasi na-recognize niya ang ginawa ng aking ama,” sabi ni Susan.

Si Ople ang kauna-unahang Pilipino na naging pangulo ng International Labor Organization (ILO) noong 1975.

Matapos ang pagtitipon ay nakipagkita si Susan kay Marcos upang personal na ipaabot ang pasasalamat nito sa pagpuri sa kanyang ama.

“Magaling naman talaga ang father mo,” tugon naman ni Marcos kay Susan.

Si Susan ang pangulo ngayon ng Blas Ople Policy Center na tumutulong sa mga OFW.