BRP Nasagip ng mga tauhan ng BRP General Mariano Alvarez (PS176) ang isang kahoy na bangkang may 90 sakay matapos itong magkaaberya sa karagatan malapit sa baybayin ng Languyan, Tawi-Tawi, noong Huwebes ng gabi (Hunyo 12, 2025). Ligtas na nahatak ang bangkang M/L Len-Lyn patungo sa Chinese Pier sa Bongao, Tawi-Tawi. Larawan mula sa WMNC/PNA

Kahoy na bangka na may sakay na 90 katapo nasagip sa Tawi-Tawi

25 Views

LUNGSOD NG ZAMBOANGA – Matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng BRP General Mariano Alvarez (PS176) ang isang kahoy na bangkang may sakay na 90 katao matapos itong magkaaberya sa dagat malapit sa Tawi-Tawi, ayon sa Western Mindanao Naval Command (WMNC) nitong Biyernes.

Ayon kay Capt. Hilarion Cecista, pansamantalang kumander ng WMNC, nailigtas ang bangkang M/L Len-Lyn malapit sa baybayin ng Languyan, Tawi-Tawi noong Huwebes ng gabi.

Sinabi ni Cecista na agad nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng PS176 matapos makatanggap ng distress call bandang 1:30 ng hapon sa pamamagitan ng Viber mula sa isang pasahero ng M/L Len-Lyn. Ipinabatid ng pasahero na nagkaroon ng aberya sa makina ang kanilang sasakyan mga 3.4 nautical miles hilaga ng Tumbagaan Island.

Ang M/L Len-Lyn ay umalis mula sa bayan ng Pangutaran sa Sulu at patungo sana sa isla ng Sibutu sa Tawi-Tawi nang mangyari ang aberya.

“Agad na tumungo ang PS176 sa huling natukoy na lokasyon ng M/L Len-Lyn at natagpuan ang bangka na palutang-lutang malapit sa Isla ng Languyan,” ani Cecista.

Matagumpay na naihatak ng PS176 ang nasabing bangka patungo sa Chinese Pier sa Bongao, Tawi-Tawi.

Sa oras na natanggap ang distress call mula sa M/L Len-Lyn, nagsasagawa ng rutinang maritime security operation ang PS176. Philippine News Agency