Calendar

Kalinisan mahalaga para dengue malabanan–Gov. Garcia
THE BUNKER, Bataan–Nanawagan noong Huwebes si Gov. Joet Garcia sa publiko na mag ingat upang hindi tamaan ng dengue.
“Ngayong Hunyo atin pong ipinagdiriwang ang National Dengue Awareness Month.
Ito po ay nagsisilbing paalala sa kahalagahan ng kalinisan, kaalaman at maagap na pagkilos upang labanan ang dengue,” sabi ng gobernador.
Ang dengue sakit na nakukuha sa kagat ng lamok at maaaring magdulot ng malubhang karamdaman o maging sanhi ng kamatayan kung mapapabayaan.
“Kaisa po ng Provincial Health Office ang pamahalaang panlalawigan ng Bataan sa pagpapalaganap ng kaalaman at kamalayan tungkol sa dengue,” anang gobernador.
Hinihikayat din ni Garcia ang bawat isa na maging mas mapanuri at responsable sa pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran upang mapigil ang pagdami ng lamok na nagdadala ng dengue.