Calendar

Kamara isa sa pinakaproduktibo sa pamumuno ni Speaker Romualdez
SA ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, naitala ang isa sa pinaka-produktibong Kamara de Representantes kung saan umabot sa 13,867 ang mga inihaing panukala at 280 sa mga ito ang naisabatas
“For the 19th Congress under the leadership of Speaker Martin Romualdez, I’m happy to report that the House of Representatives is now one of the most productive Congress in history,” ani House spokesperson Atty. Princess T. Abante sa ginanap na press conference nitong Martes.
Ayon kay Abante, naihain sa Kamara ng 11,506 panukalang batas at 2,361 resolusyon. Sa bilang na ito, 347 resolusyon ang inaprubahan at 1,493 panukala ang pinagtibay ng Kamara—280 sa mga ito ay naging ganap nang batas.
Naaprubahan din ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang 27 sa 28 pangunahing panukalang batas na inendorso ng LEDAC. Bukod dito, matagumpay ding naipasa ng Kamara ang 61 sa 64 panukala sa ilalim ng mas malawak na Common Legislative Agenda (CLA).
Ipinapakita ng mga bilang na ito na masigasig ang Kamara sa pagtupad sa mga layunin ng administrasyon tungo sa kaunlaran ng bansa.
“Unfortunately, 739 are still pending before the Senate of the Philippines for their approval on third reading,” dagdag ni Abante.
“These are not ordinary bills – they are urgent reforms sought by sectors across the country. They are solutions to the most pressing challenges faced by Filipino families, workers, students, seniors and OFWs,” saad pa ng tagapagsalita ng Kamara..
Kabilang sa mga nakabinbin pang panukala sa Senado ang mga mahahalagang batas para sa kapakanan ng mga senior citizens, gaya ng Universal Social Pension for All Senior Citizens at Expanded Employment Opportunities for Seniors. Gayundin, ang Magna Carta for Informal Ambulant Vendors, na layong bigyan ng proteksyon ang maliliit na negosyo sa buong bansa.
Sa sektor ng digital services, naipasa na ng Kamara ang mga panukalang batas para sa Cheaper and More Accessible Internet, lalo na sa mga pampublikong paaralan at liblib na barangay. Kasama ring naghihintay ng aksyon ng Senado ang Public Telecom Refund Act at ang panukalang batas na nagbibigay daan sa Digital Voting para sa Seniors, PWDs, at frontliners.
Para sa paglikha ng trabaho at proteksyon sa manggagawa, kabilang sa mga nakabinbin pa rin ang Magna Carta for Freelancers, Mandatory Insurance for Line Workers, at Tripartite Council Against Job Mismatch. Kasama rin dito ang mga panukalang nagpapalawig ng proteksyon laban sa diskriminasyon sa lugar ng trabaho.
Ang mga panukala ukol sa kalusugan at edukasyon, gaya ng Philippine CDC, mental health services sa SUCs, at voucher system para sa mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyante sa pribadong kolehiyo, ay nakasalang pa rin sa Senado.
Para naman sa mga OFW at migrant workers, naipasa na ng Kamara ang OFW Remittance Protection Law, ang pagpapalawak ng legal aid funds para sa OFWs, at ang OFW Hospital Institutionalization Act—na pawang naghihintay pa rin ng pag-apruba ng Senado.
Sa mga repormang pangkapaligiran at pabahay, kabilang sa listahan ang National Land Use Act, Balanced Housing Reform Law, at ang Green Public Procurement Act.
Kasama rin sa mga naantalang panukala sa Senado ang mga batas ukol sa lokal na transportasyon at pagtugon sa sakuna, gaya ng Magna Carta for Tricycle Drivers and Operators, Free Freight of Relief Goods Act, at Rightsizing the Bureaucracy.
“The House has already passed 1,493 measures – 739 of them are still waiting in the Senate. These aren’t just bills. These are pensions, internet, jobs, housing and protection for every Filipino,” giit ni Abante.