Abante1 Sa kanyang unang press conference bilang spokesperson ng House of Representatives, iginiit ni Atty. Princess Abante nitong Martes ang paninindigan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nirerespeto nito ang desisyon ng Senado at handa ang House prosecutors na gampanan ang kanilang tungkulin sa impeachment trial nang naaayon sa Kontitusyon. Kuha ni ROY PELOVELLO

Kamara sa pag-usad ng impeachment trial: ‘Ginalaw na po ang baso, nakinig na ang Senado’ – Kamara

44 Views

IKINALUGOD ng Kamara de Representantes ang pag-usad ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado, matapos manumpa si Senate President Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court.

“The House of Representatives welcomes this development. Ginalaw na po ang baso. Nakinig na po ang Senado sa mga pahayag hindi lang ng Kamara kundi ng iba’t ibang sektor ng lipunan,” ani Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng Kamara, sa press briefing noong Martes.

Ang panunumpa ni Escudero noong Lunes ay isang hakbang na matagal nang hinihintay ng mga lider ng Kamara at mga civic group na nananawagan ng agarang aksyon sa impeachment laban kay VP Duterte.

Sa ilalim ng matatag na pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, inaprubahan at ipinasa ng Kamara ang Articles of Impeachment laban kay VP Duterte dahil sa mabibigat na paratang ng maling paggamit ng pondo at paglabag sa tiwala ng taumbayan.

Sinabi ni Abante, handa na ang mga House prosecutor na itinalaga ng Speaker at patuloy nilang inaaral ang kaso bilang paghahanda sa paglilitis.

“Handa naman po ang Kongreso, ang House of Representatives, sa kanilang role sa impeachment trial. Nakapaghanda na po ang ating mga House prosecutors at patuloy na naghahanda.

Inaantabayanan natin ang pormal na pagsisimula ng impeachment trial,” saad ng tagapagsalita ng Kamara.

Muli namang binanggit ni Abante ang paninindigan ni Speaker Romualdez na nirerespeto nito ang desisyon ng Senado, kahit may panukala si Senador Robin Padilla na ibasura ang reklamo dahil kaunti na lang ang natitirang panahon sa ika-19 na Kongreso.

“Well, the Speaker has always said that he leaves it to the discretion of the Senate on how they will act on the impeachment [case],” ani Abante. “But there are various experts — both from the academe and the legal sector — that state the senator-judges cannot move to dismiss the trial on their own.”

Binigyang-diin niya na anuman ang maging desisyon ng Senado, ito’y dapat naaayon at tapat sa Konstitusyon.

“Kung anuman ang magiging desisyon nila, ang hiling lamang po natin ay maging faithful sila sa alituntunin ng Konstitusyon. Because in a society that follows the rule of law, the Constitution will always be supreme,” aniya.

“Well, again, like what I said, we welcome the developments from Monday’s session. Ang ibig sabihin lang nito ay nagsimula na ang proseso para sa impeachment trial,” ayon kay Abante.

Nang tanungin kung sinasadyang pinapabagal ng Senado ang proseso, tumanggi si Abante na magbigay ng haka-haka, ngunit tinukoy niya ang obligasyon ng parehong kapulungan ayon sa Konstitusyon.

“May kanya-kanyang role ang House of Representatives at Senate ayon sa Konstitusyon pagdating sa impeachment process,” sabi niya.

Aniya, naisakatuparan na ng Kamara ang tungkulin nito—mula sa pagtanggap ng reklamo, beripikasyon nito, pagkuha ng mayoryang boto, hanggang sa pagpapadala ng mga articles of impeachment sa Senado.

“‘Yung sunod na hakbang ay para sa senador naman na sinasabi nga to try and decide forthwith,” sabi ni Abante. “Ang nakalagay naman diyan ay kung ano ang iniuutos ng Konstitusyon—hindi ng Kamara, hindi ng sinoman kundi ng Konstitusyon.”