Martin

Kamara suportado hangarin ni PBBM na palakasin ugnayan ng US-PH

159 Views

Para sa kapayapaan sa Indo-Pacific region

SUPORTADO ng Kamara de Representantes ang hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos upang mapanatili ang kapayapaan sa Indo-Pacific region.

Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez matapos nitong salubungin si Pangulong Marcos sa Joint Base Andrews airport sa Maryland. Nasa Estados Unidos ang Pangulo upang makipagpulong kay US President Joe Biden at sa iba pang opisyal ng Amerika at mga negosyanteng nakabase roon.

“The House of Representatives stands solidly behind President Marcos in his effort to further bolster the long-standing relationship between the Philippines and the United States with the end in view of ensuring peace and stability in the Indo-Pacific region,” ani Speaker Romualdez.

Sa panayam, sinabi ni Pangulong Marcos na nais nitong linawin ang magiging papel ng Amerika sakaling tumaas ang tensyon sa Indo-Pacific region.

Lilinawin din umano ni Pangulong Marcos kay Biden na ang nais ng Pilipinas ay mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.

“Geopolitical tensions and apprehensions of possible hostilities in the region will have an adverse effect on our aspirations for sustained economic growth and prosperity. It is to everyone’s benefit to ensure that conflicts are resolved through diplomatic and peaceful means,” sabi ni Speaker Romualdez.

Pumunta si Speaker Romualdez sa Amerika noong nakaraang buwan upang plantsahin ang nakatakdang pagdating doon ni Pangulong Marcos. Nakipagpulong si Speaker Romualdez sa mga mambabatas sa Estados Unidos upang mapatatag ang alyansa ng Pilipinas at Amerika partikular sa sektor ng seguridad at ekonomiya.

Umiinit ang tensyon sa West Philippine Sea dahil sa mga ginagawa ng China na inaalmahan ang pagdaragdag ng apat na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites, o mga lugar sa Pilipinas kung saan maaaring mamalagi ang mga sundalong Amerikano.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos sa Beijing na ang mga dagdag na EDCA sites ay hindi banta sa China.

“We work for peace. We will not encourage any provocative action by any country that will involve the Philippines by any other country. We will not allow that to happen. We will not allow the Philippines to be used as a staging post for any kind of military action,” sabi ng Pangulo.

Sinabi rin ng Pangulo na mayroon ng mga hakbang na ginagawa upang maiwasan ang muntik ng banggaan ng barko ng Pilipinas at China sa Ayungin shoal.

“We hope that such high-level communication lines can be established the soonest possible time as it would go a long way to avoid any unfortunate incidents in the West Philippine Sea,” sabi naman ni Speaker Romualdez.

“Malacanang’s timely action signifies our sincerity to resolve any dispute peacefully, consistent with the President’s foreign policy of being a friend to all and enemy to none,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Nauna ng sinabi ni Speaker Romualdez na ang pagpupulong nina Marcos at Biden ay lalong magpapalalim sa relasyong pang-ekonomiya at kalakalan ng dalawang bansa. Ang dagdag na pamumuhunan umano mula sa Amerika ay lilikha ng mga dagdag na mapapasukang trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino.

Noong 2021, ang Estados Unidos ang ikatlong pinakamalaking trading partner ng Pilipinas bukod pa sa pagiging top export market nito at ikalimang import source. Ang Pilipinas naman ang ika-30 sa pinakamalaking trade partner ng Amerika.

Ang Amerika rin ang ikalimang pangunahing pinanggalingan ng foreign investment ng Pilipinas noong 2021.

Si Speaker Romualdez at kanyang delegado ay nakipagpulong sa mga mambabatas ng Amerika upang hikayatin ang mga ito na kumbinsihin ang kanilang mga negosyante na mamuhunan sa Pilipinas.

Kasama sa delegado ni Speaker Romualdez sina House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, House Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Navotas City Rep. Tobias “Toby” Tiangco, Agusan del Norte 1st District Rep. Jose “Joboy” S. Aquino II, Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” del Gallego Romualdez, House Secretary General Reginald “Reggie” Velasco, at House Sergeant-at-Arms PMGEN. Napoleon Taas.