BBM1

Kapakanan ng mga manggagawa prayoridad ni PBBM

168 Views

PRAYORIDAD umano ng administrasyong Marcos ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.

Ito ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nang makipagkita ito sa mga manggagawa sa SMX Convention Center sa Pasay City bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-121 Labor Day.

“Asahan po ninyo na hindi kailanman magpapabaya ang inyong pamahalaan sa larangan ng paggawa at empleyo, lalo na sa ilalim ng aking pamamalakad. Bilang Pangulo, ipinapangako ko na ang proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino ay mananatiling pangunahing prayoridad ng aking Administrasyon,” ani Pangulong Marcos.

Inatasan umano ng Pangulo ang iba’t ibang ahensya na magpatuloy sa paggawa ng mga programa upang madagdagan ang mapapasukang trabaho at mapataas ang antas ng kakayanan ng mga manggagawa.

“Kaya inaatasan ko ang lahat ng mga kaugnay na ahensya, lalong-lalo na ang DOLE, na manatiling nakatuon sa paghahatid ng mga maiinam na programang panghanapbuhay at sa paglinang sa kaalaman at kasanayan ng ating mga manggagawa,” sabi ni Pangulong Marcos.

Binisita rin ng Pangulo ang stall ng 65 negosyo at 130 nagtitinda sa mga Kadiwa ng Pangulo.

Pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng assistance package ng DOLE sa may 20,165 benepisyaryo sa National Capital Region.

Sa buong bansa ay 229,823 kuwalipikadong benepisyaryo ang bibigyan ng ayuda ng DOLE sa ilalim ng mga programa nito gaya ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers Program (TUPAD), DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), Government Internship Program (GIP), at Special Program for Employment Students (SPES).