Calendar

Kapulisan magiging mas malawak presensiya sa kalsada
INIUTOS kahapon ni Philippine Naartional Police chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang mas malawakang presensiya ng kapulisan sa kalsada upang protektahan ang taumbayan.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na binigyang-diin ang kahalagahan ng visible police presence bilang panlaban sa kriminalidad at bilang pagtiyak ng kaligtasan sa publiko, tiniyak ng Hepe ng Pambansang Pulisya ang kanilang presensya sa mga komunidad sa buong bansa upang maging mas visible at accessible sa mga pampublikong lugar.
Ayon sa kanya, ang presensya ng kapulisan sa mga pamayanan ay hindi lamang nagsisilbing hadlang sa krimen, kundi nakatutulong din sa pagpapatibay ng tiwala at kumpiyansa ng publiko sa mga tagapagpatupad ng batas.
Dahil dito, iniatas ni Gen. Marbil sa lahat ng yunit ng PNP sa buong bansa na paigtingin ang foot at mobile patrols, lalo na sa mga matataong lugar, pampublikong transport terminals, commercial centers, at mga pook-pasyalan.
Bilang bahagi ng Oplan SUMVAC (Summer Vacation) 2025 ng PNP, kabuuang 69,657 pulis ang naitalang naitalaga upang magbantay sa Police Assistance Desks, Tourist Assistance Centers, at upang direktang tumulong sa publiko sa iba’t ibang lugar ng pagtitipon.
Tinitiyak ng mga deployment na ang mga pulis ay nasa mga lugar kung saan sila higit na kinakailangan—sa kalsada at sa loob mismo ng mga komunidad.
Upang higit pang mapalakas ang presensya sa mga komunidad, aktibo ring pinakikilos ang mga force multipliers gaya ng mga miyembro ng accredited civic volunteer organizations (CVOs), barangay tanod, at iba pang katuwang sa komunidad.
Ang mga katuwang na ito ay kaagapay ng ating kapulisan sa pagpapalakas ng presensya sa mga komunidad, pagtulong sa pagpapatrolya, at pagiging mahalagang tulay sa pagitan ng pulisya at ng mamamayang kanilang pinaglilingkuran.
Sa Metro Manila, nagsagawa ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na pinamumunuan ni Major Gen. Anthony A. Aberin ng 2-araw na surprise inspection sa limang distrito nito upang masuri ang kahandaan sa operasyon at matiyak na gumagana nang maayos ang mga pulis post. Kabilang dito ang pagbisita sa mga assistance desks at patrol points sa mga komunidad.
Bilang dagdag suporta, ipinatupad ang sunod-sunod na Surprise Red Teaming Operations upang tiyakin ang aktuwal na presensya ng mga naka-duty na pulis, palakasin ang pananagutan, at itaguyod ang pagsunod sa mga deployment protocol—lalo na sa mga lugar na madalas dayuhin ng mga lokal at banyagang turista.
Upang lalong mapatatag ang presensya sa mga komunidad, pansamantalang inatasan ang mga junior officers mula sa mga mobile units na tumulong sa mga bakanteng community posts. Layunin nitong matiyak ang tuluy-tuloy na patrol coverage habang pinauunlad ang propesyonalismo at disiplina ng mga junior police leaders.
Muling tiniyak ni Gen. Marbil ang pangako ng PNP sa kaligtasan ng bawat mamamayan:
“Nagsisimula ang pagpigil sa krimen sa presensya. Nais naming maramdaman ng bawat Pilipino na laging may handang tumulong — na laging may pulis na malapit, handang rumesponde, at handang maglingkod,” sinabi niya.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na estratehiya ng PNP upang ilapit ang serbisyo ng pulisya sa taumbayan at maitaguyod ang kultura ng mabilisang tugon, propesyonalismo, at tiwala sa bawat komunidad, dagdag pa ng PNP chief.